NAG-POST si Marian Rivera sa Instagram ng pictures at videos na kuha sa Madrid, Spain, ang lugar na kanyang sinilangan bago siya iniuwi sa Pilipinas ng kanyang ina.
Hindi naputol ang communication ni Marian sa kanyang amang si Francisco Javier Gracia kahit nagkalayo sila, at hindi malilimutan ang pagdalo nito nang ikasal sina Marian at Dingdong Dantes noong December 30, 2014. Matatandaan na isinama pa nina Dingdong at Marian si Papa Fran sa Boracay noong kanilang honeymoon. Iyon ang unang pagpunta ng ama ni Marian sa pamosong lugar.
Pagbalik ng Madrid, nagpatuloy ang communication nina Marian at Papa Fran via social media at Skype, kaya nasubaybayan nito maging ang kanyang pagdadalangtao kay Baby Letizia kahit hindi na sila muli pang nagkita nang personal.
Nang isilang si Baby Zia, gusto sana ni Lolo Fran na dalawin ang apo, pero minabuti ni Marian na sila na lamang ang pumunta ng Spain. Matatandaang sinabi ni Marian noon na mas madaling sila na lamang nina Dingdong at Baby Zia ang pupunta, para makilala rin ng anak nila ang iba pa nilang relatives sa Spain.
Natagalan bago nakakuha ng buwelong oras sina Marian at Dingdong dahil nagkasunud-sunod na ang trabaho nila. Gumawa ng Alyas Robin Hood si Dong at nagkaroon ng talk show si Marian, ang Yan Ang Morning. Nag-guest din si Marian sa pilot episode ng Daig Ka Ng Lola Ko ni Ms. Gloria Romero at one week siyang naging guest sa pagbabalik ng role niya bilang si Ynang Reyna Mine-a sa Encantadia.
Nang finally nakakuha sila ng schedule para sa 15-day vacation, nag-tape muna si Marian ng ilang episodes ng Tadhana na siya ang host sa pagkukuwento ng mga karanasan ng ating OFWs, na mapapanood na simula sa May 20.
At finally, mula sa pamamasyal muna sa Greece, pagdalo sa wedding sa Italy ng kanyang stylist na si Pam Quinones, last leg ng kanyang bakasyon, sa Madrid, Spain.
Kitang-kita ang happiness sa mukha ni Lolo Fran nang sa wakas ay muling nakasama ang kanyang unica hija na si Marian Gracia, at nakalong na ang apong si Baby Letizia.
May post pa si Marian ng video na kasama niya ang mga kapatid niya sa ama at mga pamangkin sa mga kapatid ng ama habang si Dingdong ang nagda-drive ng sasakyan.
Tiyak na mas marami pa siyang ipo-post na pictures sa pamamasyal nila ni Zia at siblings niya sa Spain. Kung baga, patikim pa lang ang mga ipinost niyang pictures sa Instagram. (NORA CALDERON)