NAPANOOD namin ang episode ng Ikaw Lang Ang Iibigin kahapon na pinagagalitan na naman ni Roman dela Vega (Michael de Mesa) ang anak na si Carlos (Jake Cuenca) dahil sa laki ng perang inilalabas nito sa kumpanya.
Bukod kasi sa gastos ni Carlos para mapasikat si Bianca (Kim Chiu) bilang endorser ng kanilang produktong Tiger Shark, sinagot pa ng batang dela Vega ang operasyon ng lolo (Dante Rivero) ng dalaga na lalong ikinagalit ng ama nang malaman.
Napansin naming nabago na ang acting ni Jake, hindi na OA katulad sa mga dati niyang teleserye. Kontrolado na niya ang sarili kaya hindi nakakapantay siya sa level ng pagganap ni Michael de Mesa, na subtle lang kahit galit na galit na.
Lalong nakakaadik subaybayan ang Ikaw Lang Ang Iibigin ngayong may selos factor nang nararamdaman si Gabriel (Gerald Anderson) nang malamang pinahiram ni Carlos si Bianca ng panggastos sa operasyon ng lolo. Tinanong agad niya ang dalaga kung ano ang kapalit ng kabaitang ito ng boss.
Kaabang-abang din ang unti-unting rebelasyon sa kaugnayan ni Gabriel kay Victoria Quintana dela Vega (Ayen Munji-Laurel). Nang magpakilala si Gabriel kay Michael, nahuling pailalim na tumingin ang kinikilalang ina ni Carlos.
At bakit ipinapa-background check ni Roman si Gabriel?
Ikalawang linggo pa lang ng Ikaw Lang Ang Iibigin pero marami nang rebelasyon ang nalalaman. Kaya naman pala itong mga kapitbahay namin, araw-araw na inaabangan ang programa ng Kimerald.
Mataas ang ratings ng ILAI, sa katunayan ay lumalampas ito ng 15% nationwide. (Reggee Bonoan)