MALUGOD na tinanggap ng maraming pinuno sa mundo ang pagkakahalal ni Emmanuel Macron bilang bagong presidente ng France matapos silang mangamba na gagayahin ng France ang United Kingdom (UK) at Amerika sa pagpapatupad ng mga polisiyang protectionist para sa sariling bansa.
Nang bumoto ang UK noong Hunyo 2016 upang tumiwalag sa European Union, may pangambang nagsisimula nang magwatak-watak ang dating malalapit na bansa sa Europa. Makalipas ang ilang buwan, noong Nobyembre 2016 ay inihalal naman ng mga Amerikano si President Donald Trump na nagsusulong ng “America First” at may bantang tatalikuran ang mga tradisyunal na kaalyado ng kanyang bansa sa Europa at sa Asia. Sakaling natalo si Macron sa halalan sa France ni Marine Le Pen, ang far-right candidate na, gaya ni Trump, ay nais na itaboy ang mga immigrant, magiging senyales ito ng pag-usbong ng pag-iisip na ultra-conservative at protectionist na maaaring makaimpluwensiya sa ibang mga bansa, partikular na sa Europa.
Ngunit nanalo si Macron, ang pro-European Union centrist. Nabigo sa unang bahagi ng eleksiyon sa France ang mga partido ng far-left Communists at ng tradisyunal na Republican. Sa ikalawa at huling bahagi ng halalan, natalo si Le Pen, na ititiwalag din sana ang France sa EU. Kung nanalo siya, magtutuluy-tuloy ang separatist movement na sinimulan ng Brexit.
Isa itong “victory for a strong and united Europe”, ayon sa tagapagsalita ni German Chancellor Angela Merkel. Isa itong “vote of confidence from France in the European Union”, sabi naman ni European Parliament President Antonio Tajani. Sa Asia, sinabi ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe na ang pagkapanalo ni Macron ay “victory against inward-looking and protectionist moves.”
Kumandidato si Macron nang walang partido pulitikal, tanging ang isang-taon pa lamang na En Marche (On the Move) movement ang nasa likuran niya. Hindi pa siya kumandidato sa alinmang posisyon noon. Ang tanging karanasan niya sa gobyerno ay bilang economics minister sa gabinete ni outgoing President Francois Hollande. Para sa mamamayan ng France, plano niyang ngayong magpatupad ng mga reporma sa ekonomiya—upang mabawasan ang istriktong mga batas sa paggawa na nakapipigil sa pagkakaloob ng trabaho, upang mapabuti ang edukasyon sa lugar ng maralita, at mapag-ibayo ang proteksiyon sa kapakanan ng mga self-employed. Ang kanyang mga polisiya sa ekonomiya, na pabor sa mahihirap sa kanyang bansa, ay nakapagpapaalaala sa atin ng ating Pangulong Duterte.
Subalit ang kanyang pagiging pinuno na nagbibigay-halaga sa ugnayan sa iba pang mga bansa, partikular na sa Europa, ang pinakanangibabaw kaya naman malugod na tinanggap ng mundo ang kanyang pagkakahalal. Kailangan natin ang mas masiglang interaksiyon at pakikipagtulungan sa ibang mga bansa, at pinatunayan ng France, sa pagkakahalal ni President Macron, na hangad itong makipagtulungan sa ibang mga bansa sa pagresolba sa maraming problema ng mundo sa ngayon.