MONCADA, Tarlac - Nabulgar kahapon ang modus operandi ng mga carnapping syndicate na kunwari ay babanggain ang likuran ng puntirya nilang sasakyan, na susundan ng pagnanakaw sa may-ari at pagtangay sa behikulo nito.
Ayon kay PO2 Ronald Capito, ninakawan ng mga gamit si Jonathan Rosario, 31, negosyante, ng Barangay San Roque, Cainta, Rizal, at tinangayan ng itim na Mitsubishi Montero Sport na may conduction sticker number NL-2244.
Batay sa imbestigasyon, dakong 2:20 ng umaga kahapon nang binangga ng pulang Mitsubishi Adventure ang sasakyan ni Rosario habang binabagtas ang highway sa Bgy. San Julian sa Moncada.
Bumaba ang biktima para suriin ang pinsala ng kanyang sasakyan subalit nilapitan siya ng driver ng Adventure, hinataw ng matigas na bagay sa ulo at nawalan ng malay.
Nabatid na tinangay ng mga suspek ang Montero dala ang mga personal na gamit ni Rosario na nasa loob ng sasakyan, kabilang ang isang laptop computer at bag na aabot sa mahigit P55,000 ang halaga; mga damit at sapatos na nasa P8,000; relo at mga ID. (Leandro Alborote)