Maglulunsad ang Department of Justice (DoJ) ng panibagong pagsisiyasat sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o “pork barrel” fund scam at sa maanomalyang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay DoJ Secretary Vitaliano Aguirre II, ito ay panibagong pagsisiyasat kaya hindi na kailangan ng permiso mula sa Office of the Ombudsman.
Aniya, bubuo ang DoJ ng panel o task force ng mga imbestigador mula sa kagawaran at sa National Bureau of Investigation (NBI).
Tiniyak naman ni Aguirre na hindi gagamitin ng kagawaran ang sinasabing utak ng scam na si Janet Lim Napoles.
Aniya, basta may ebidensiya, hahabulin ng DoJ ang lahat ng sangkot sa anomalya mapa-oposisyon man o administrasyon.
Sa ngayon, ayon kay Aguirre, gusto niyang mailipat si Napoles sa mas ligtas na pasilidad dahil naniniwala siyang may mga banta sa buhay nito.
Una nang hiniling ng kampo ni Napoles na mailipat siya sa kostudiya ng NBI ilang araw makaraan siyang pawalang-sala ng Court of Appeals (CA) sa kasong serious illegal detention laban sa whistleblower na si Benhur Luy.
Kahapon, nakipag-usap si Aguirre kay Atty. Stephen David, abogado ni Napoles, kaugnay ng kahilingang mailipat ang huli sa pasilidad ng NBI dahil nakakulong pa rin ito sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City.
Sinabi ni David na napag-usapan din ang posibilidad na maging state witness si Napoles sa gagawing imbestigasyon sa pork barrel scam, iginiit na kuwalipikado ang dating negosyante dahil hindi, aniya, ito ang most guilty sa nasabing kaso.
Kaugnay nito, sinabi ni CIBAC Party-list Rep. Sherwin Tugna na kung tatayong state witness si Napoles ay magmumukha lamang itong sinungaling.
Ayon kay Tugna, kakailanganin ni Napoles na baligtarin ang mga nauna na nitong pahayag sa publiko kaugnay ng paglilipat ng multi-bilyon pisong pondo mula sa PDAF ng ilang mambabatas sa mga pekeng non-government organization (NGO) ng negosyante.
“That might be in great contradiction of what she said in the past,” ani Tugna, dating Deputy Majority Floor Leader.
Sinabi ni Tugna na una nang binigyang-diin ni Napoles sa mga isinagawang pagdinig ng Senado na wala itong alam sa scam.
“Sabi niya hindi siya kasama dito (pork barrel scam) tapos ngayon babaguhin,” ani Tugna.
(BETH CAMIA at ELLSON QUISMORIO)