PRESIDENT QUIRINO, Sultan Kudarat - Isang 13-anyos na babae ang naospital matapos umanong halinhinang gahasain ng tatlong magpipinsan hanggang sa matagpuang walang malay sa gilid ng kalsada sa Purok Bagong Buhay sa Barangay Katiku sa bayan ng President Quirino sa Sultan Kudarat, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa police report, isinasalaysay ng dalagitang pinsan ng biktima na nasa lamay sila ng tiyuhin ng huli nang inaya sila ng magpipinsang “Marlon”, “Marco”, at alyas “Moimoi”, at dinala sa kuwarto ng pamilya Adam sa Purok Maligaya sa Bgy. Katiku.
Nakatakas ang pinsan ng biktima makaraang magdahilang naiihi, ngunit hindi nagawang magsumbong sa matinding takot.
Positibo namang kinilala ng biktima ang tatlong magpipinsan na halinhinang gumahasa sa kanya, hanggang sa maaresto si Moimoi.
Sinabi naman ni Senior Insp. Joann Resureccion, hepe ng President Quirino Police, na tinutugis na nila ang dalawa pang suspek, na pawang sangkot umano sa paggamit ng droga. (Leo P. Diaz)