GAPAN CITY, Nueva Ecija – Napatay ang isang umano’y drug pusher matapos itong makipagbarilan sa mga awtoridad na nagkasa ng buy-bust operation laban sa kanya sa Purok Manggahan sa Barangay San Roque, Gapan City, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Supt. Peter Madria, Gapan City Police chief, kay Nueva Ecija Police Provincial Office director, Senior Supt. Antonio C. Yarra, kinilala ang nasawi na si Kenneth Mark Lapuz, 25, alyas “Pipoy”, residente ng Tutuban Street, Bgy. San Roque, na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa operasyon bandang 11:50 ng gabi nitong Mayo 7, natunugan umano ni Lapuz na mga pulis ang kanyang katransaksiyon kaya bumunot siya ng baril at pinaputukan sina PO2 Jerry Baman at PO1 Jomel Ellasco.
Nakaiwas ang dalawang pulis, na napilitang gumanti ng putok at napuruhan ang suspek.
Nakuhanan si Lapuz ng pitong plastic sachet ng hinihinalang shabu, P500 marked money, isang .9mm caliber pistol na may apat na bala, at P1,234 cash. (Light A. Nolasco)