KAAGAD na pinasubalian ng Manila Police District ang anggulong terorismo sa inisyal nitong imbestigasyon sa magkasunod na pagsabog sa Quiapo ngayong linggo na ikinasawi ng dalawang tao at ikinasugat ng anim na iba pa.
Paliwanag ng pulisya, ang terorismo ay isang karahasan na walang partikular na puntirya; hangad lamang nitong maghasik ng takot sa publiko.
Ang unang pagsabog sa Quiapo ay nangyari habang idinadaos ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Roxas Boulevard sa Pasay City noong nakaraang linggo, ngunit nilinaw ng pulisya na nagkataon lamang ito. Ang bombang unang sumabog nitong Sabado ay ikinubli sa isang package na ipinadala sa isang lokal na pinunong Muslim.
Sumabog naman ang ikalawa habang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang unang pagsabog, at dalawang pulis ang nasugatan.
Sari-saring teorya ang nagsulputan kaugnay ng mga pagsabog. Ang isa ay nagsabing nag-ugat ito sa away ng magkakalabang gang sa Quiapo. Ayon naman sa isa pa, posibleng dulot ito ng isang lokal na grupong kaanib ng pandaigdigang alitan sa pagitan ng mga Muslim na Sunni at Shiite. Inako naman ng Islamic State ang mga pagsabog, ipinagmalaking nakapatay sila ng “five Shiites.”
Dahil masasabing may partikular na mga target ang pagpapasabog, sinabi ng pulisya sa Maynila na hindi gawaing terorista ang nangyari. Salig sa kahulugan, layunin ng terorismo na maghasik ng takot at pagkataranta dulot ng hindi inaasahang gawain ng karahasan sa matataong lugar, at mga inosenteng tao ang nabibiktima. Hindi puntirya ng karahasan ang isang partikular na tao; tanging kamatayan at pangwawasak ang hangad nito, mas marami, mas mabuti. Ang mga biktima ay kadalasang inosente, na nagkataon lamang na nasa maling lugar sa maling pagkakataon. Ang tanging layuning ay maghasik ng takot.
Maaaring tama ang pulisya sa pagsasabing ang mga pagsabog sa Quiapo ay hindi gawang terorismo dahil napaulat na may sadyang puntirya ang mga ito, ngunit nagdulot pa rin ito ng matinding takot sa mga taga-Maynila, partikular na sa Quiapo. Nasaksihan na natin sa bansa ang mga pagsabog at iba pang karahasan ilang taon na ang nakalipas, ngunit karamihan sa mga ito ay sa Mindanao lamang nangyayari. Ilang araw na ang nakalipas, bahagyang lumapit ang gawaing karahasan sa pagpatay sa mga miyembro ng Abu Sayyaf na sumalakay sa Bohol. Bigla na lamang, sa unang pagkakataon, nakapagtala ng karahasan sa Quiapo, ang sentro ng komersiyo at relihiyon sa siyudad.
May kinalaman man sa terorismo o wala, may dahilan upang maniwala tayong hindi kasing ligtas ang Metro Manila gaya ng inaakala natin. Isinama na ng Amerika at ng iba pang mga bansa ang Quiapo sa mga lugar na pinaiiwasan nito sa kani-kanilang mamamayan. Posibleng maapektuhan nito ang programa ng bansa sa turismo.
Ngunit ang higit na mahalaga ay ang pangangailangang tiyakin sa sarili nating mamamayan na ligtas sa Metro Manila, ang sentro ng pambansang gobyerno at mga economic at cultural center nito. Dahil dito, lubhang mahalaga ang agarang pagresolba sa insidente ng pagsabog sa Quiapo.