PINAGTIBAY ng mga bansa sa buong mundo ang mahigit 1,200 batas laban sa climate change, biglang taas mula sa 60 dalawang dekada na ang nakalipas, isang senyales ng tumitinding pagsisikap ng lahat upang malimitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura.
Ito ang nadiskubre sa isang pag-aaral na isinapubliko nitong Martes.
“Most countries have a legal basis on which future action can be built,” sinabi ni Patricia Espinosa, climate change chief ng United Nations, sa isang webcast news conference tungkol sa mga tuklas na inilahad sa isang pandaigdigang pulong tungkol sa climate change sa Bonn, Germany.
Sinabi ni Espinosa na ang mga natuklasan sa pag-aaral ay “cause for optimism” idinagdag na malaking tulong ang mga batas na ito upang matunton ang mga pagkilos at mga naipatupad at ipinatutupad na hakbangin laban sa patuloy na pag-iinit ng planeta kasabay ng iba pang mga usapin, gaya ng pamumuhunan sa renewable energy o pagsuporta sa makasaysayang climate agreement noong 2015, na niratipikahan na ng 144 na bansa.
Sinuri at hinimay ng pag-aaral ng London School of Economics (LSE) ang mga batas at polisiya ng 164 na bansa, mula sa pagbabawas sa greenhouse gases hanggang sa pagkontrol sa emissions sa mga sektor ng transportasyon, paglikha ng kuryente, at iba pang tulad nito.
Apatnapu’t pitong batas na ang nadagdag simula nang pagtibayin ng mga pinuno ng mga bansa ang Paris Agreement laban sa climate change noong huling bahagi ng 2015, maituturing na matamlay mula sa dating 100 batas kada taon sa pagitan ng 2009 at 2013 nang maraming mayamang bansa ang nagpasa ng nasabing mga batas.
Duda si United States President Donald Trump na may epekto sa sangkatauhan ang climate change kaya naman pinag-iisipan niyang abandonahin na ng Amerika ang Paris Agreement, ngunit karaniwan nang kumplikado ang proseso sa pagpapawalang-bisa sa isang napagtibay nang batas.
“If you have that big body of 1,200 laws it is hard to reverse,” inihayag ni Samuel Fankhauser, co-director ng Grantham Research Institute on Climate Change and the Environment ng LSE, sa news conference.
Nakumpirma ng pag-aaral na mas maraming batas ang nililikha ng mayayamang bansa, ngunit maraming kakulangan. Wala namang batas tungkol sa climate change ang ilang bansa, kabilang ang Comoros, Sudan, at Somalia.
“We don’t want weaklings in the chain,” sabi ni Martin Chungong, Secretary General ng Inter-Parliamentary Union.
Hinimok niya ang lahat ng bansa na magpatibay ng mga batas na makatutulong upang malimitahan ang insidente ng mas malalakas na ulan, matinding init at tagtuyot, at pagtaas ng karagatan. (Reuters)