PHNOM PENH, Cambodia – Nakatakdang dumalo si Pangulong Duterte sa dalawang sesyon, kasama ang top international business leaders at company chief executive officers (CEOs), sa kanyang dalawang araw na official visit sa Cambodia para sa World Economic Forum (WEF).

Ayon kay Foreign Affairs undersecretary for international economic relations Manuel Teehankee, bibigyan si Duterte ng isang oras simula 12:00 p.m. (Cambodia time) ngayong araw upang i-promote ang ambisyosong “Build, Build, Build!” project ng kanyang administrasyon.

Sa loob ng isang oras, na isinaayos ng WEF organizers para kay Duterte bilang chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon, liligawan ng Presidente ang top business leaders para sa malawakang infrastructure program upang makahabol ang ating gobyerno sa iba pang major economies sa rehiyon.

“He will then be meeting with the top business leaders in one session as well as with the top 50 CEOs in another session,” sabi ni Teehankee nang mainterbyu ng mga miyembro ng Philippine media sa Philippine Embassy sa Phnom Penh.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“This will also provide the Philippines the opportunity to showcase the advance of ASEAN during its 50th year,” sabi niya. “It will be the first launch internationally of the Build, Build, Build program, and announcing it to investors, as well as to the international media.”

Nasa likod ni Duterte sa kanyang layuning maisulong ang programang imprastruktura ng pamahalaan sina Public Works Secretary Mark Villar, Trade Secretary Mon Lopez, Transportation Secretary Arthur Tugade, Communications Secretary Martin Andanar, National Economic and Development Authority (NEDA) Director-General Ernesto Pernia, at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President-CEO Vince Dizon.

Nangangailangan ang “Build, Build, Build!” program ni Duterte ng umaabot sa P8 trilyon gastusin para sa imprastruktura, na ang malaking bahagi ay huhugutin mula sa national budget ngunit nangangailangan pa rin ng foreign investors.

Bukod sa pagkakataong mai-promote ang infrastructure program ng kanyang administrasyon, sinabi ni Teehankee na dadalo rin si Duterte sa pagbubukas ng plenary session ng forum sa ganap na 1:00 ng hapon (Cambodia time) ngayong Huwebes.

Makakasama niya ang Prime Ministers ng Cambodia, Laos, at Vietnam, na siya ring host ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) ngayong taon.

Pagkatapos ng naturang forum, magtutungo si Duterte sa Hong Kong upang makipagkita sa mga miyembro ng Filipino community doon bago siya tumungo sa China upang dumalo sa Belt and Road forum. (Argyll Cyrus B. Geducos)