DINUMOG sila sa maraming sold-out tours para sa kanilang matagumpay na debut album. Ngayon ay nagbabalik sa music scene ang teen boyband ng ABS-CBN na Gimme5, na binubuo nina Nash Aguas, Joaquin Reyes, Grae Fernandez, Brace Arquiza at John Bermundo sa paglulunsad ng kanilang inaabangang pangalawang album mula sa Star Music na may titulong Sophomore.
Lalong kagigiliwan ng fans ang kanilang panibagong album na naglalaman ng limang orihinal na kanta, kasama ang sariling komposisyon ng dalawang miyembro, ang First Love na isinulat ni Nash at ang Hindi Ko Alam na nilikha naman kay Joaquin.
Ang carrier single ng album na Walang Dahilan ay isinulat ni Jay Sule at ramdam sa feel-good song na ito ang teen vibe ng boyband lalo’t kuwento ng mga unang hakbang ng kabataan sa kanilang paghanga sa napupusuan ang tema.
Tiyak na magsisilbing inspirasyon sa puso ng kabataan ang iba pang tracks na mapapakinggan sa album tulad ng awiting Napapangiti na isinulat ni Rox Santos at Hanggang Tingin Na Lang na isinulat naman ni Miles Blue Sy.
Sina Malou Santos at Roxy Liquigan ang executive producers ng bagong album kasama si Jonathan Manalo bilang supervising producer at ang DJ/songwriter na si RB Kidwolf naman ang kanilang over-all album producer.
Follow-up ang Sophomore ng matagumpay nilang unang self-titled album na nakilala sa local music industry kasama ang hit songs na Pag Kasama Ka, Hatid Sundo, at Aking Prinsesa. Tumanggap ang naturang album ng Gold Record award mula sa Philippine Association of the Record Industry (PARI).
Ang Sophomore album ng Gimme5 ay mabibili na sa digital stores at record bars sa halagang P199 lamang. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lang ang Starmusic.ph o sundan ang official social media accounts ng Star Music sa Facebook.com/starmusicph. Panoorin ang mga bagong music videos sa YouTube channel @ABS-CBN Star Music.