MAPAPANOOD ang mga premyadong volleyball player sa bansa sa gaganaping ‘Clash of Heroes’ fund-raising exhibition match sa Mayo 15 sa FilOil Flying V sa San Juan.
Layuning ng organizers sa pakikipagtulungan ng PSC-POC Media Group na makakalap ng karagdagang pondo para sa paglahok ng binubuong National Team sa international competition.
Kabilang sa umayuda sa programa sina UAAP three-time MVP Alyssa Valdez, dating La Salle superstar Mika Reyes,Kim Fajardo, Kim Dy at Dawn Macandili ng UAAP champion De La Salle University, Jovelyn Gonzaga ng Cignal, Kat Tolentino ng Ateneo, Elaine Kasilag ng Pocari Sweat, Bia General ng Generika-Ayala, Frances Molina at Ria Meneses ng Petron, Lourdes Clemente ng Sta. Lucia, at CJ Rosario ng Foton.
Tatayong coach nila si assistant coach Brian Esquibel ng Foton kasama sina Ronald Dulay ng Foton at Ian Fernandez ng Petron bilang mga deputies.
Sa kabilang dako, mangunguna naman sa Philippine-Red Team sina Rachel Anne Daquis ng Cignal, Aiza Maizo-Pontillas ng Petron at Aby Marano ng F2 Logistics.
Kasama din nila sa team sina Denden Lazaro ng Cocolife, Kat Arado ng Generika-Ayala, Myla Pablo ng Pocari Sweat, Gretchel Soltones ng BaliPure, Jaja Santiago ng Foton, Gen Casugod ng Generika-Ayala, Maika Ortiz ng Foton, Maddie Madayag ng Ateneo, Rhea Dimaculangan ng Petron at Roselle Baliton ng UE..
Gagabayan ang koponan ni Nene Chavez ng Generika-Ayala, ang skipper ng koponan na huling nagwagi ng gold medal para sa bansa sa Southeast Asian Games noong 1993 katulong sina Kungfu Reyes ng UST at Benson Bocboc ng La Salle.
“This would serve as the basis in forming the 18-woman roster. So I want to see them fight for their respective slots,” ayon kay national team coach Francis Vicente. (Marivic Awitan)