Inihayag kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na itatalaga niya si AFP Chief of Staff General Eduardo Año bilang susunod na kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), at sinabing nalagdaan na niya ang appointment papers ni Senator Alan Peter Cayetano bilang bagong Department of Foreign Affairs (DFA) secretary.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa press conference matapos ang kanyang departure speech sa airport kahapon bago siya magbiyahe patungong Cambodia para dumalo sa World Economic Forum (WEF).
Sinabi ni Duterte na napirmahan na niya ang dokumento para sa pagtatalaga kay Cayetano sa DFA bago siya bumiyahe patungong Cambodia kahapon ng hapon. “Dito sa DFA, I remember I signed an appointment just before I left my room, I saw the name of Senator Cayetano,” aniya.
Running mate niya nang kumandidato noong nakaraang taon, itinalaga ni Duterte si Cayetano sa Gabinete isang araw makaraang mawalan ng bisa ang one-year appointment ban sa mga talunang kandidato.
Kamakailan, si Cayetano ang tumayong co-chairman ng Philippine high-level delegation na humarap nitong nakalipas na araw sa United Nations Human Rights Commission (UNHRC) 3rd Universal Periodic Review tungkol sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas.
Sa pagtanggap ng puwesto sa Gabinete, kakailanganing bakantehin ni Cayetano ang kanyang posisyon sa Senado. Sa 2019 magtatapos ang termino niya bilang senador.
Binanggit din niya ang pangalan ni Gen. Año bilang susunod na kalihim ng DILG kapag nagretiro na ito sa Oktubre.
Si DILG Undersecretary Catalino Cuy ang kasalukuyang officer-in-charge ng kagawaran matapos sibakin ang dating kalihim na si Ismael Sueno dahil sa akusasyon ng kurapsiyon. (BETH CAMIA)