ZAMBOANGA CITY – Pito pang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang sumuko sa Joint Task Force Sulu nitong Lunes habang nagpapatuloy ang matindi at malawakang opensiba ng militar laban sa teroristang grupo sa Sulu.

Sinabi ng tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WestMinCom) na si Capt. Jo-Ann Petinglay na sumuko na rin sa militar ang mga tauhan ng mga sub-leader na sina Sansibar Bensio at Tomas Idjas, pinamunuan ng napatay na si Alhabsy Misaya, sa Sitio Kanjawali, Barangay Tandu Bato sa Luuk, Sulu, bandang 12:35 ng tanghali nitong Lunes.

Kinilala ni Petinglay ang mga sumukong bandido na sina Aminula Sakili, Saharijan Sakili, Haydel Sahidul, Sattar Sadjal, Orik Samsuraji, Princibal Abdan, at Annu Asaraji, alyas “Anwar”.

Sumuko ang pito sa mga tauhan ng Philippine Marine Ready Fleet Sulu at sa Marine Battalion Landing Team-1.

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki

Isinuko rin nila ang isang M16 rifle, isang M14 rifle, isang Garand rifle, isang .38 caliber revolver, at isang .45 caliber pistol.

Ayon kay Petinglay, pinanumpa nila ang pito sa Qur’an at nangakong hindi na muling magsasagawa ng anumang may kinalaman sa terorismo o maghahasik ng takot at karahasan.

Una nang sumuko nitong Linggo ang kilalang tauhan ng pangunahing leader ng ASG na si Furuji Indama, si Hussin Asrap Wahid, 28, taga-Sitio Bato Maputi, Bgy. Baguindan sa Ungkaya Pukan, Basilan.

Sa kabuuan, sinabi ng WestMinCom na 48 na sa Abu Sayyaf ang sumuko sa militar. (Nonoy E. Lacson)