Nakiusap ang Department of Education (DepEd) sa mga magulang na huwag nang ipatala sa mga overcrowded na paaralan ang kanilang mga anak.

Ang pakiusap ni Education Undersecretary for Planning and Field Operations Jesus Mateo ay kaugnay ng muling pagbubukas ng klase sa Hunyo 5.

Ayon kay Mateo, hindi matututukan nang husto ang bawat mag-aaral kung marami silang nagsisiksikan sa loob ng silid-aralan.

“Ang pakiusap natin, sana nagpa-early register na sila kasi may mga paaralan na marami talagang estudyante, samantalang mayroon naman na kokonti ang estudyante,” ani Mateo.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Ayon sa DepEd, ang isang silid-aralan sa Kindergarten ay dapat na okupahan lang ng 25 estudyante, 30 naman kung Grades 1 at 2, habang nasa 45 ang kapasidad ng mga silid-aralan ng Grade 3 at mas mataas na baitang.

Patuloy naman ang paghahanda ng DepEd katuwang ang Philippine National Police, Department of National Defense, Department of Public Works and Highways at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang masiguro ang ligtas at tagumpay ng pagbabalik-eskuwela.

Batay sa inilabas na calendar of activities ng DepEd para sa School Year 2017-2018, magsisimula ang klase sa lahat ng public elementary at high schools sa bansa sa Hunyo 5.

May 204 na school days ngayong taon, kasama na ang limang araw na in-service training ng mga guro at apat na araw na parent-teacher conference kada tatlong buwan, kaya kung susumahin ay may kabuuang 195 na araw ang pasok ng mga estudyante.

Ang mga pribadong paaralan ay binibigyan ng kalayaan ng DepEd na mamili ng petsa ng pagbubukas ng klase, subalit hindi maaaring mas maaga sa Hunyo 5 o lampas sa Agosto.

Isasagawa naman sa Mayo 15-20 ang “Brigada Eskwela”. (Mary Ann Santiago)