SAKALING tanggapin ni Pangulong Duterte ang imbitasyon sa kanya ni United States President Donald Trump para bumisita sa White House, haharapin niya ang mapanuring media at posibleng salubungin ng mga kilos-protesta, dahil kilala siya ng pandaigdigang media sa mga hindi magagandang sinabi niya kina dating US President Barack Obama, dating United Nations Secretary General Ban Ki-Moon, at mga opisyal ng European Union na kumuwestiyon sa kampanya kontra droga na inilunsad niya sa Pilipinas.
Nang imbitahan ni Trump, sa ika-100 araw niya sa puwesto noong nakaraang buwan, si Duterte upang bisitahin siya, kaagad na umani ng batikos ang nasabing imbitasyon mula sa ilang sektor, kaya naman mabilis na nagpaliwanag ang mga opisyal ng administrasyon na kailangang tiyakin ng Amerika ang suporta ng mga pinuno sa Asia laban sa bantang nukleyar ng North Korea.
Sinabi ni Pangulong Duterte na pag-iisipan niya ang imbitasyon.
Sa kaparehong araw, nagmartsa ang mga raliyista sa Washington, DC upang kondenahin ang polisiya ni Trump sa climate change. Nagtipun-tipon din ang mga taga-Chicago sa siyudad para sa sarili nilang Earth Week protest, at sinabi ng isang nagmartsa, “We are not just marching for climate justice; we are marching for all justice.”
Naging paksa ng kabi-kabilang kilos-protesta si Trump sa iba’t ibang bahagi ng Amerika tungkol sa iba’t ibang usapin, kabilang ang trato niya sa kababaihan, ang pagbabawal niya sa mamamayan mula sa ilang bansang Muslim, at ang plano niyang magtayo ng $1.4-billion pader upang maitaboy ang mga ilegal na immigrant mula sa Mexico at sa iba pang bahagi ng South America. Sa kabila ng nakapangyayari ang Republican Party, hindi pa rin inaaksiyunan ng US Congress ang prioridad niyang panukala, ang American Health Care Act, na inaasahan niyang hahalili sa Obamacare.
Ang pagkakawatak-watak na ito at kabi-kabilang protesta ang kakailanganing harapin ni Pangulong Duterte kung magtutungo siya ngayon sa White House. Madadamay siya sa disgusto ng mamamayan kay Trump, ngunit ang malaking bahagi pa rin nito ang pupuntiryahin ang presidente ng Amerika at ang mga polisiya nito.
Nakatakdang makipagpulong si President Trump sa mga pinuno ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at pitong iba pang mga bansa sa East Asia Summit sa Maynila sa Nobyembre. Bago ang pulong ng 18 bansa, nakipag-usap sa mga foreign minister ng ASEAN si US Secretary of State Rex Tillerson sa Washington, DC, nitong Huwebes. Dumalo sa pulong ang ating si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.
Magkakaroon ng iba pang mga pulong sa mga susunod na buwan bago sumapit ang Nobyembre, at tatalakayin ang iba’t ibang suliranin sa rehiyon, kabilang ang bantang nukleyar ng North Korea. Mas magiging epektibo ang mga pag-uusap na ito sa pagresolba sa problema sa North Korea kaysa state visit ni Duterte sa mga ganitong panahon.
Pinakamainam marahil para sa Presidente ang pag-isipan pang mabuti ang imbitasyon ni Trump.