Panibagong tax evasion case ang isinampa kahapon sa Department of Justice (DoJ) laban sa Mighty Corporation at ito ay pumapatak ng P26.93 bilyon.
Matapos ang inihaing P9.564 billion tax evasion case noong Marso 22, nagsampa ng ikalawang reklamo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa Mighty Corporation dahil sa “Unlawful Possession of Articles Subject to Excise Tax without Payment of the Tax, and for Possessing False, Counterfeit, Restored or Altered Stamps, in violation of Sections 263 and 265(c) of the National Internal Revenue Code of 1997.”
Kabilang sa mga inireklamo ay ang mga executive ng Mighty Corporation, at ito ay sina president, retired Lt. Gen. Edilberto Adan; executive vice-president, retired Judge Oscar Barrientos; vice-president for external affairs and assistant corporate secretary Alexander Wongchuking; at Treasurer Ernesto Evicta.
Nag-ugat ang kaso sa surveillance na isinagawa ng Bureau of Customs (BoC) sa warehouse ng Mighty Corporation sa Barangay Matimbubong, San Ildefonso, Bulacan kung saan nakakuha ng kabuuang 81,591,500 kaha ng sigarilyo na nakapaloob sa 163,183 master case.
“The stamps are fake since they did not contain one of the multi-layered security features of a valid internal revenue stamp,” ayon sa BIR.
Sinabi rin ng BIR na ang mga warehouse sa Bgy. Matimbubong, San Ildefonso, Bulacan ay hindi rin nakareshistro sa BIR na certified ng Excise Large Taxpayer Regulatory Division.
“Thus, Mighty Corporation cannot legally remove the said packs of cigarettes from their only plant in Tikay, Bulacan for delivery to the said unregistered warehouses. Mighty Corporation’s mere unexplained possession of the said packs of cigarettes with fake internal revenue stamps is illegal and a violation of the Tax Code,” dagdag ng BIR.
(Jeffrey G. Damicog at Beth Camia)