SA mabuway na pag-usad ng mga usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng iba’t ibang grupo ng mga rebelde, may kutob ako na walang mararating ang nasabing mga peace talks. May kanya-kanyang estratehiya ang nasabing mga grupo na nagiging balakid sa pagtatamo ng kapayapaang inaasaam nating lahat.

Mismong si Pangulong Duterte ang nagpahiwatig ng pangamba sa tagumpay ng isinasagawang mga peace talks. Tandisan niyang inamin na kung siya man noon ay naging optomista o palaasam sa mabuting bunga ng mga pag-uusap, ngayon ay nagiging pesimista siya o nakadadama ng kabiguan sa mga pagsisikap tungo sa pangmatagalang katahimikan sa iba’t ibang dako ng kapuluan.

Sa Mindanao peace talks, halimbawa, naniniwala ako na ang kawalang-gana ng Pangulo ay nag-ugat sa hindi kumukupas na alitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng Moro National Liberation Front (MNLF). Patuloy ang pag-iiringan ng dalawang grupo sa kabila ng patuloy ding panunuyo sa kanila ng administrasyon.

Magkahiwalay na kinakausap ng Pangulo ang MNLF na pinamumunuan ni Nur Misuari at MILF na nasa liderato naman ni Al Haj Murad. Katunayan, bumuo ang gobyerno ng magkahiwalay na panel na tututok sa negosasyon ng dalawang grupo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi maiaalis na ang grupo ni Misuari ay maging matabang sa pakikitungo sa kampo ni Murad. Nauna nang pinagtibay ang Peace Agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng MNLF noong 1996. Hindi nagbabago ng paninindigan si Misuari na ang naturang kasunduan ang dapat pairalin sa Mindanao – kasunduan na pinagtibay noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Taliwas naman ito marahil sa pananaw ni Murad na ang peace agreement sa pagitan ng gobyerno at ng MILF na pinagtibay noong 2015 ang dapat kilalanin; nilagdaan ito noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ang nakikita kong matinding balakid sa tagumpay ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng grupong Moro ay ang walang puknat na paghahasik ng karahasan ng mga rebeldeng Muslim na kabilang sa Abu... Sayyaf Group (ASG). Sa kabila ng madugong pakikidigma sa kanila ng ating mga kawal, lalong tumitindi ang kanilang kidnap-for-ransom activities.

Ganito rin ang paghasik ng panganib at kaguluhan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA). Isipin na lamang ang kanilang walang tigil na pagkidnap sa mga alagad ng batas; panununog sa mga pabrika na ang ilan ay matatagpuan sa mismong teritoryo ng Pangulo – sa Davao City. Insulto at paghamon ang kanilang ginagawa laban sa mga awtoridad.

Sa ganitong sitwasyon – sa pagiging optomista at pesimista ng Pangulo sa isinusulong na mga peace talks, at sa walang patumanggang panggugulo ng mga rebel groups – naniniwala ako na walang mararating ang paghahanap natin ng “lasting peace” sa bansa. (Celo Lagmay)