ANG paninirahan sa mga lugar na may mataas na antas ng pagkalantad sa mga delikadong pollutant sa hangin, tubig at lupa ay iniuugnay sa mas malaking panganib sa pagkakaroon ng cancer, ayon sa isang pag-aaral sa Amerika.
Bagamat marami nang naunang pag-aaral ang nag-ugnay sa individual pollutants sa mas mataas na panganib sa pagkakaroon ng ilang partikular na cancer, tinutukan ng bagong pag-aaral kung paanong ang pinagsamang epekto ng pagkakalantad sa iba’t ibang environmental contaminants ay nakaiimpluwensiya sa panganib na tubuan ng tumors.
Sinuri ng mga mananaliksik ang taunang incidence rate ng cancer sa bawat estado sa Amerika at natukoy ang karaniwang 451 kaso sa bawat 100,000 katao. Kumpara sa mga estadong mas mataas ang kalidad ng kapaligiran, ang mga estadong may pinakamalaking antas ng polusyon ay karaniwang may 39 na mas maraming kaso kada taon sa bawat 100,000 residente.
“We do not experience exposures in a vacuum but rather are exposed to several exposures at any one time,” sabi ng pangunahing awtor ng pag-aaral na si Dr. Jyotsna Jagai, ng University of Illinois sa Chicago.
“We considered a broad definition of environmental exposures, which included pollution in the air, water, and land and also (man-made) and sociodemographic environmental factors,” sinabi ni Jagai nang kapanayamin sa pamamagitan ng email. “We found that counties with poor overall environmental quality experienced higher cancer incidence than those counties with good overall environmental quality.”
Upang mahimay ang kaugnayan ng kalidad ng kapaligiran at panganib sa cancer, sinuri ng mga mananaliksik ang county-by-county data sa pagkakalantad sa iba’t ibang pollutants simula 2000 hanggang 2005 at ang mga natukoy na bagong kaso ng cancer simula 2006 hanggang 2010.
Kumpara sa kalalakihan sa mga estadong may pinakamataas na kalidad ng kapaligiran, ang kalalakihang nakatira sa mga estadong may pinakamababang antas ng kalidad ng kapaligiran ay karaniwan nang may 33 mas maraming kaso ng lahat ng uri ng cancer sa kada 100,000 katao. Para sa kababaihan, ang mga nakatira sa mga estadong may pinakamalalaking kalidad ng kapaligiran ay nauugnay sa karaniwan nang 30 karagdagang kaso ng cancer sa bawat 100,000 residente.
Bukod dito, sinuri rin ng mga mananaliksik ang mga datos sa mga pinakakaraniwang uri ng tumor: sa baga, colorectal, prostate at suso.
Ang cancer sa prostate at suso ay malinaw na may kaugnayan sa kalidad ng kapaligiran ng pasyente, natuklasan sa pag-aaral. Ang paninirahan sa mga estadong may pinakamalalang kalidad ng kapaligiran ay nauugnay sa karagdagang 10 kaso ng mga tumor na ito sa bawat 100,000 residente. (Reuters)