NANGIBABAW ang La Salle Green Archers, National University Bulldogs at San Beda-Alabang Red Cubs sa magkakahiwalay na laban nitong Lunes sa 23rd Fr. Martin Cup Summer Basketball tournament sa St. Placid gymnasium sa San Beda-Manila campus sa Mendiola.

Naisalba ng Green Archers ang matikas na paghahabol ng Ateneo Blue Eagles para maitakas ang manipis na 86-85 panalo, habang dinomina ng NU Bulldogs, ginagabayan ng bagong coach na si Jamike Jarin, ang San Beda-B Red Lions, 101-71.

Sa junior match, ginapi ng Alabang Red Cubs ang sister team San Beda-Manila Red Kittens, 79-64.

Sa women’s class, kumubra si Bettina Penaflor ng 24 puntos para sandigan ang University of Santo Tomas Tigresses sa 65-57 panalo kontra La Salle Lady Archers.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hataw naman si Bacolod standout Miguel Corteza sa naiskor na 20 puntos para sa ikatlong sunod na panalo ng Green Archers sa Group A ng seniors class.

Mula sa 12 puntos na paghahabol, nakakuha ng pagkakataon ang Blue Eagles na maipuwersa ang laro sa overtime nang ma-foul ni Corteza si Manuel may 0.3 segundo sa regulation period.

Ngunit, dala ng pressure, isang free throw lang ang naisalpak ni Manuel.

Kumana si Koy Galvelo ng 12 puntos sa Bulldogs, naitala ang unang panalo sa Group B.

Ratsada naman si Steve de la Cruz sa Alabang Red Cubs sa natipang 20 puntos.