BANGA, Aklan - Napatay ng isang 14-anyos na lalaki ang nakatatanda niyang kapatid na babae matapos niya itong paulit-ulit na hampasin ng kahoy sa Barangay Torralba, Banga, Aklan.

Ayon kay Senior Insp. Joey Delos Santos, hepe ng Banga Police, kasalukuyang nasa pangangalaga na ng lokal na Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang binatilyo.

Base sa imbestigasyon ng Banga Police, nagkaroon ng hindi pagkaunawaan ang magkapatid hanggang sa paghahampasin ng kahoy ng suspek ang 22-anyos niyang ate.

Sinabi ni Delos Santos na mismong ang binatilyo pa ang humingi ng saklolo sa mga kapitbahay makaraang ipaalam na duguan ang biktima.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nadala pa sa ospital ang dalaga ngunit wala na itong buhay.

Ayon kay Delos Santos, ikinokonsiderang “child in conflict with the law” ang suspek, at hinihintay pa ng pulisya ang desisyon ng pamilya kung magsasampa ng kaukulang kaso laban sa binatilyo. (JUN N. AGUIRRE)