NABIGO si dating IBO junior lightweight champion Jack Asis na masungkit ang WBA International super featherweight belt sa kampeong Chinese na si Can Xu nang matalo siya sa puntos sa sagupaang ginanap sa Shan Xi Normal University Stadium, Xi An, China.

Batid ni Asis na hindi siya mananalo sa puntos kaya naging agresibo siya sa laban at tinangkang patulugin si Xu na walang ginawa kundi umiwas at tumakbo upang manalo sa mga huradong sina Promasse Chakshuraksa ng Thailand, 116-112; Takeo Harada ng Japan, 117-112; at Zhao Yan Fang ng China, 117-112 kaya itinaas ni Thai referee Pinit Prayadsab ang pananatili ng Chinese bilang WBA regional champion.

Kung mapapansin mahihirapan talagang manalo si Asis kung hindi mapatutulog si Xu sa komposisyon ng referee at mga hurado gayundin si WBA supervisor Tsuyoshi Yasukochi dahil dapat may Filipino judge o hurado mula sa Australia kung saan nakabase si Asis at kung intensiyon ng WBA na maging patas ang sagupaan.

Niluluto na maging mandatory contender si Xu ng WBA super featherweight champion Jezreel Corrales ng Panama na tiyak ding maagawan ng titulo kung hindi mapatutulog ang Chinese maliban kung gaganapin ang laban sa neutral na bansa.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Napaganda ni Xu ang kanyang rekord sa 12 panalo, walang knockouts at 2 talo samantalang si Asis na kababalik pa lamang sa pagreretiro ay bumagsak ang kartada sa 35-20-5 , tampok ang 18 pagwawagi sa knockout.

Sa undercard ng laban, idineklarang tabla ang laban ni dating WBO Asia Pacific flyweight champion Macrea Gandionco ng Pilipinas sa no. 6 contender ng Puerto Rico na si Waldermar Pagan. (Gilbert Espeña)