HANGGANG ngayon ay mataas at malaki pa ang pagtitiwala ng mga Pilipino sa United States kumpara sa kinakaibigang China at Russia ni President Rodrigo Roa Duterte. Gayunman, parang may katwiran si President Rody na bumaling at makipaglapit sa mga bansa nina Xi Jinping at Vladimir Putin. Tinutulungan tayo ngayon ng China (bagamat inookupa ang ating reef at shoal), at nagiging mabait ngayon sa ating mga mangingisda sa Panatag Shoal. May pangako pa ang China ng $24-billion economic package.
Isipin ninyo, mga kababayan, kung bakit ang US na kaytagal na sumakop sa ‘Pinas ay hindi tinuruan ang mga Pinoy ng tamang pangangalaga sa kalusugan, tulad ng proper dental at oral hygiene. Sa TV, malimit mapanood ang mga lalaki at babae na habang kinakapanayam ay walang mga ngipin o kung meron man ay isa o dalawa na lang ang nakatubo sa gilagid.
Mga bungal.
Sa US, itinuturo ang proper oral at dental hygiene sapul sa pagkabata ng mga Amerikano kaya magaganda ang mga ngipin nila at hindi bungal. Isa pang hindi itinuro ng mga Kano sa mga Pilipino ay ang pagtatayo o paglalagay ng mga palikuran o toilet. Dahil dito, kung saan-saan na lang “nagpaparaos” ang karamihan sa kanila, lalo na ang naninirahan sa mga sitio, baryo at bayan.
Sa tagal ng pananakop ng US sa Pilipinas (Commonwealth era), maging ang sistema ng edukasyon at uri ng gobyerno ay ipinagaya sa mga Pilipino. Hindi nila itinuro sa mamamayan ang disiplina, gaya ng pagtigil ng motorista sa daan o tawiran kapag may taong tumatawid. Sa US, naranasan ko ang disiplina ng mga motorista roon na kapag may tumatawid, humihinto ang sasakyan upang padaanin ang pedestrian.
Dito sa atin, laging ang motorista ang nauuna kaysa pedestrian, hindi tumitigil at bubusinahan ka pa upang siya’y padaanin.
Marahil ay nakita ni Mano Digong ang hindi pantay na pagtrato ng US sa ‘Pinas. Kabilang dito ang pagkakaloob ng tulong na laging may “strings attached”, wika nga. Pauutangin ng pera ang bansa ni Juan dela Cruz pero laging may kaakibat na kondisyon. Nagkakaloob sila ng military hardware, eroplano, barko at iba pa, subalit karamihan ay segunda-mano.
Lumikha ng alingasngas ang biglaang pagdalaw ni Agnes Callamard, UN Special Rapporteur on extrajudicial executions.
Si Callamard ay isa sa matinding kritiko ni PDu30 tungkol sa umano’y EJK at HRVs kaugnay ng inilulunsad na giyera sa illegal drugs sa bansa.
Dismayado ang Malacañang kung bakit pumunta sa Pilipinas si Callamard at itinaon pa sa pagtungo ng isang high level delegation na pinamumunuan ni Sen. Alan Peter Cayetano sa UN Rights Body sa Geneva upang iprisinta ang kaso ng Pilipinas tungkol sa tunay na kalagayan ng human rights.
“We are aware that Dr. Callamard is currently in the Philippines and we are disappointed that, in not contacting our govt. in advance of this visit, she has sent a clear signal that she is not interested in getting an objective perspective on the issues that are the focus of our responsibility,” sabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.
Samantala, sinabi ni Callamard na sinabihan niya in advance ang PH gov’t hinggil sa kanyang pagbisita upang dumalo sa drug policy conference alinsunod sa sinusunod na mga protocol. Sa talumpati niya sa drug policy forum sa UP, sinabi niya na hindi tagumpay ang drug wars sa alinmang bansa sa mundo sapagkat nagbibigay lang ito ng mga problema sa mga gobyernong sangkot sa pagpuksa sa bawal na gamot. (Bert de Guzman)