HUNYO 2016 nang malugod na tinanggap ng mga nagrereklamo sa napakabagal na Internet sa Pilipinas ang balitang nagkaroon ng karagdagang spectrums at frequencies ang Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) at Globe Telecom, ang dalawang pangunahing sistema sa likod ng Smart at Globe, na makatutulong upang mapabilis nila ang kani-kanilang serbisyo.
Sinimulan ng dalawa na pakilusin ang kani-kanilang resources upang magamit na ang 700-megahertz frequency na nabili nila mula sa San Miguel Corp. (SMC). Dapat na mapagbuti ang serbisyo ng Internet sa bansa sa susunod na 12 buwan, anila. Isa itong katanggap-tanggap na pahayag para sa National Telecommunications Commission na nag-apruba sa P69.1-bilyong kasunduan ng PLDT, Globe, at SMC.
Sampung buwan na ang nakalipas. Sa nakalipas na sampung buwan, hiniling ng Philippine Competition Commission (PCC) ang imbestigasyon sa usapin, sinabing posibleng mapigilan ng kasunduan ang pagpasok sa bansa ng ikatlong kumpanyang telecom. Nagpalabas ang Court of Appeals (CA), sa pamamagitan ng ika-12 dibisyon nito, ng writ of preliminary injunction laban sa PCC, na dumulog naman sa Korte Suprema. Hiniling nito sa kataas-taasang hukuman na pawalang-bisa ang writ of preliminary injunction ng CA at pigilan ang PLDT sa anumang hakbangin nito upang kumpletuhin ang kasunduan.
Ito ang dahilan kung bakit pansamantalang inihinto ang lahat, sampung buwan makaraang ihayag ang bilyong-pisong kasunduan na magpapabuti sana sa serbisyo ng Internet sa bansa. Inaprubahan ang kasunduan ng National Telecommunications Commission, ngunit iginiit ng Philippine Competition Commission ang karapatang himayin ito.
Gaya ng maraming mahahalagang usapin sa nakalipas na mga buwan, muling hinihiling sa Korte Suprema na desisyunan ang isyu; ito ang laging may pinal na pasya sa mga usaping legal. Kaisa tayo ng maraming gumagamit ng Internet sa bansa sa pag-asam na sana ay agarang maresolba ang isyu upang makausad na ang mga kinauukulang kumpanya sa mga ipinangako nilang plano upang mapabuti ang kanilang serbisyo.
Maraming iba pang problema ang nakahahadlang sa pagpapabilis ng serbisyo ng Internet. Halimbawa, kailangang gawing mas madali ang proseso sa pagkuha ng mga permit sa pagpapatayo ng mga cell site. Maaaring pagtuunan ng bagong Department of Information and Communication Technology ang problemang ito.
Ngunit ang pinakamalaking hakbangin ay kapag sinimulan na ng dalawang service provider, ang PLDT at Globe, ang paggamit ng bilyong-pisong asset na nabili nila sampung buwan na ang nakalipas—at pag-ibayuhin ang serbisyo ng Internet sa bansa. Ang industriya ng outsourcing pa lamang ay kumikita na ng $2 billion kada buwan para sa Pilipinas.
Ganyan kahalaga ang serbisyo ng Internet sa pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa sa ngayon.