Napatay sa taga ang isang lalaki makaraan siyang mahuli umanong nakikipagtalik sa asawa ng suspek sa Barangay Delles, Burgos, La Union, kahapon.
Sa pagsisiyasat ng Burgos Municipal Police, kinilala ang suspek na si Tirso Dunuan, may asawa, na nahaharap ngayon sa kasong pagpatay sa kapitbahay niyang si Ryan Banayat, may asawa, kapwa taga-Bgy. Delles sa Burgos.
Ayon kay Dunuan, pauwi na siya galing sa bukid nang mapadaan siya sa bahay ni Banayat at naulinigan niya na may kausap itong babae.
Nagduda umano ang suspek dahil alam niyang nasa ibang bansa ang asawa ng biktima, kaya naglakas-loob siyang buksan ang bahay nito.
Nang buksan ni Dunuan ang pinto ng bahay ni Banayat ay nagulat siya nang maaktuhan umanong katalik nito ang sarili niyang asawa.
Biglang nagdilim ang paningin ng suspek, kinuha ang sukbit nitong itak at pinatataga ang biktima.
Binawian ng buhay si Banayat habang dinadala sa ospital ng mga kapitbahay.
Naaresto ng pulisya si Dunuan na umamin sa kasalanan at nagsabing pinagsisisihan niya ang nagawa.
Gayunman, hindi naniniwala ang mga kamag-anak ni Dunuan na may relasyon ang misis nit okay Banayat. (Fer Taboy)