ILANG linggo bago namatay, hinulaan ni Michael Jackson na papatayin siya.
Binanggit niya ito sa pamamagitan mga sulat-kamay na ibinigay niya sa isang kaibigan ilang linggo bago siya pumanaw dahil sa drugs overdose noong 2009.
Palalakasin ng naturang mga liham ang paniniwala ng marami, kabilang na ng anak ni Michael na si Paris at kapatid na babaeng si La Toya, na sadyang pinatay ang King of Pop.
Sa 13 mensahe, idineklara ni Michael na: “They are trying to murder me” at “I am scared about my life.”
Sa unang pagkakataon ay ibinunyag ng German businessman, na si Michael Jacobshagen, 34 – na dalawang dekadang naging kaibigan ng bituin – ang pagkakaroon ng mga liham sa panayam ng broadcaster na si Daphne Barak sa Australian TV show na Sunday Night.
Isinalaysay ni Jacobshagen kay Barak na umiiyak na tumawag sa kanya ni Michael mula sa tinutuluyan nito sa Las Vegas.
Naghahanda noon ang bituin para sa kanyang tour sa O2 Arena ng London ngunit pinakiusapan ang kaibigan na lumipad mula Germany patungong US para samahan siya.
“He was in emotional meltdown saying, ‘They are going to murder me’,” pagbabalik-tanaw ni Jacobshagen.
Nagtungo siya sa U.S. at tatlong araw na sinamahan ang troubled star, at iniabot ni Michael ang mga liham sa kanya.
Sa mga liham, paulit-ulit na sinabi ni Michael na “they are trying to kill me.”
Gayunman, hindi nilinaw ng King of Pop kung sino ang “they” na kanyang sinasabi ngunit ang ilang liham ay tumutukoy sa concert promoters na AEG, na nag-oorganisa ng concert sa London.
Nakasaad sa isa sa mga liham na: “AEG. Make so much pressure to me… I’m scared about my life.”
Pagkaraan ng tatlong linggo ay natagpuang patay ang superstar.
Ang opisyal na sanhi ng kanyang pagkamatay ay overdose sa sedative na propofol. Ang kanyang personal doctor na si Conrad Murray ay nahatulan ng dalawa hanggang apat na taong pagkakakulong nang mapatunayang nagkasala ng involuntary manslaughter sa pagbibigay ng lethal dose ng droga.
Ngunit sinabi ni Jacobshagen na mahigit isang dekada nang gumagamit si Michael ng propofol para lunasan ang kanyang insomnia.
Sinabi niyang isinapubliko niya ang mga liham upang suportahan ang anak ni Michael na si Paris, 19, na kamakailan ay nagsabing pinatay ang kanyang ama.
Ipapalabas ang panayam sa susunod na buwan sa Australia, US at iba pang lugar kasabay ng anibersaryo ng pagkamatay ng bituin. (DailyMail)