ANG chief operating officer pala ng ABS-CBN na si Ms. Cory Vidanes, ang nagbigay ng titulong Queen of Daytime Drama kay Julia Montes dahil sa naitalang record na ratings ng Doble Kara na umabot sa 25%.
Gulat na gulat daw ang management ng Dos sa achievement ng Doble Kara na matatandaang ilang beses in-extend kaya umabot tuloy ng isang taon at kalahati sa ere gayong pang-isang season lang ang plano para rito.
Kuntento na nga raw sa 15, 16, 17 percent ang ratings sa daytime drama, kaya hindi halos makapaniwala ang lahat ng mga bossing ng ABS-CBN nang umabot sa 25%. kaya hindi na sila nagdalawang-isip na ibigay kay Julia ang titulong Queen of Daytime Drama.
Ayon sa aming source, nagulat din at halos hindi makapagsalita si Julia sa mga papuri sa kanya ng management nu’ng i-meeting siya ng mga bossing ng network.
Kahapon, sinulat namin na na-extend ang Wansapanataym Presents Annika Pintasera dahil din sa mataas na ratings.
Pruweba ito na kahit saang time slot ilagay ang show ni Julia ay tinatangkilik ng televiewers.
“As far as I know, si Julia pa lang nakakagawa nito among the artists, na kahit anong slot mo siya ilagay, kaya niya,” say ng aming source sa Dos.
“Hindi rin niya kailangan ng permanent love team para umangat dahil puwede siyang i-partner kahit kanino.”
At higit sa lahat, nakakapag-experiment si Julia ng iba’t ibang roles.
Heto na, kaliwa’t kanan ang kahilingan ng supporters nina Coco Martin Julia na i-guest daw ang aktres sa FPJ’s Ang Probinsyano, pero mukhang malabo dahil busy siya sa taping ng Wansapanataym at sa susunod na buwan ay magsisimula na rin ng bagong teleseryeng Victims of Love na pagsasamahan nila nina Angelica Panganiban, JC Santos, Paulo Avelino, Cherry Pie Picache at Lorna Tolentino mula sa Dreamscape Entertainment.
In hindsight, haka nga mas makabubuti na rin na huwag nang mag-guest sa Ang Probinsyano si Julia dahil baka magulo ang utak ni Coco kapag nagkita sila ni Alyanna (Yassi Pressman). (Reggee Bonoan)