KUNG sa palagay ng marami na pipitsuging liga ang SEABA, para kay Gilas Pilipinas coach Chot Reyes mabigat na pagsubok ang naghihintay sa Pinoy kung kaya’t kailangan nila ang puspusang aksiyon sa laban.

Nakatakdang magsimula ang SEABA, qualifying meet para sa Asia tilt, sa Biyernes sa Smart-Araneta Coliseum.

Sisimulan ng Nationals ang kampanya laban sa Myanmar sa Biyernes bago harapin ang Singapore sa Mayo 13 kasunod ang Malaysia sa Mayo 14.

Matapos ang isang araw na pahinga, mapapalaban ang Gilas sa Thailand, Vietnam at Indonesia.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“I know people are saying it might be lopsided. Pero kapag lopsided na tinatalo tayo nagagalit sila. Kapag lopsided na mananalo tayo magagalit sila. Saan tayo lulugar?” pahayag ni Reyes sa panayam ng Manila Bulletin/Tempo/Balita kahapon sa Meralco Gym sa Ortigas.

“We just have to go out and we have to just play our best and get the job done.”

Tanging ang kampeon sa SEABA ang bibigyan ng tiket bilang kinatawan ng rehiyon sa 2017 FIBA Asia Cup na nakatakda sa Agosto sa Lebanon.

Isinantabi rin ni Reyes ang isyu hingil sa posibilidad na hindi na palalaruin ang naturalized player na si Andray Blatche.

Ibinitin ng 30-anyos na si Blatche ang ensayo ng Gilas nang hindi ito dumating sa bansa sa takdang araw ng kanyang pagbabalik mula sa kampanya sa China pro league.

Hindi naibigan ni Reyes ang desisyon ni Blatche na maantala ang pagsasanay sa koponan.

Sa kabila nito, maayos namang nagkausap ang dalawa nang magpakita si Blatche sa ensayo nitong Linggo.

“Parang hindi niyo naman ako kilala. Pag-aaral lang naman ang kailangan niya because he has played with the system before. We purposely kept things very simple para hindi na siya mahirapan na maka-assimilate,” sambit ni Reyes.

(Dennis Principe)