KAHIT mataas ang ratings at kinakabog ng Minute to Win It ni Luis Manzano ang katapat na show ay pansamantala muna itong nagpaalam sa ere.
Marami ang nalungkot pero agad namang nagpaliwanag si Luis na nangako ang ABS-CBN management sa kanya na magbabalik sila sa ere.
“We promise sa lahat ng nagmamahal sa show namin at talaga namang hindi kami iniwan na magkikita tayong muli.
Tinitiyak namin na sa aming pagbabalik, mas marami pang tawanan, kulitan at pangarap ang matutupad sa show namin,” sey panganay ni Lipa City Rep. Vilma Santos.
Nalungkot ang Star for All Seasons nang mabalitaan ang pamamaalam ng show pero agad naman itong tinawagan ni Luis para ipinaliwanag ang sitwasyon.
“Well, gusto naming magpasalamat sa inyo kasi alam namin na kayo talaga ang sunshine ng mga araw namin. Kaya namin ito ginagawa araw-araw ay para sa inyo. Kaya naman we will see you again soon!” panigurado pa ng premyadong TV host.
Napatawa naman si Luis tungkol sa isyung nagbubunyi raw ang katapat na show ng Minute to Win It at pinalalabas na tumiklop sa kanila ang programa ng pambatong host ng Kapamilya Network.
“Well, kung ‘yun ang paniwala nila, eh, hayaan na natin. Pero abangan na lang nila ang aming pagbabalik,” natatawang pahayag ni Manzano.
Samantala, pinalitan ang game show ni Luis ng isa sa pinakamalaking koreanovela last year, ang Legend of the Blue Sea na pinagbibidahan ni Lee Min Ho. Kasabay nitong nag-pilot kahapon ang Goblin na pinagbibidahan naman ng Korean superstar na si Gong Yoon na sinasabing kinakiligan nang husto ni Anne Curtis, huh! (Jimi Escala)