MAY selosan factor sina Gabbi Garcia at Ruru Madrid nang makita namin sa technical rehearsal ng Sunday Pinasaya last Saturday. Salamat kay Ateng Rams David, executive producer ng Sunday show, at kasama ang ilang katoto ay nakausap namin ang dalawa nang mapadaan kami mula sa press visit sa D’Originals sa third floor ng GMA Annex.
Tamang-tama kasi na may issue na break na raw silang dalawa, na siyempre ang tanong, kailan naman sila naging magkasintahan?
Nagsimula ang Encantadia na ang magka-love team ay sina Gabbi at Ruru bilang ang mag-asawang Alena at Ybarro. Pero nagkaroon ng twist ang istorya bago sila nagkaroon ng anak, si Ybarro ang naging ama ng anak ni Reyna Amihan (Kylie Padilla) kaya nagparaya na si Alena at si Reyna Amihan na ang naging katambal ni Ruru.
Sumama ang loob ng GabRu fans at nagreklamo dahil nawalan daw ng katambal si Gabbi, pero nagtuluy-tuloy pa rin ang Kylie-Ruru love team.
Pero sa Sunday Pinasaya, lagi pa ring love team ang dalawa, kaya enjoy ang fans nila. Kahit napabalitang break na sila, ayaw nilang maniwala dahil sweet ang dalawa sa SPS. Doon na rin sinabi ni Ruru na love niya si Gabbi, pero hindi naman talaga silang dalawa, istrikto raw kasi ang daddy ni Gabbi at ayaw pa nitong payagang magka-boyfriend ang dalaga. May mga pagkakataong pinapayagan naman silang lumabas on a friendly date, minsan kasama ang mga taga-Encantadia.
Until nagbuntis nga si Kylie at pumasok na kapalit si Arra San Agustin, na lumalabas na taglay ang katauhan ni Reyna Amihan. Umamin si Ruru na nagagandahan siya kay Arra, a product of Starstruck 6 pero si Gabbi pa rin ang gusto niya.
Sa kabilang banda, may lumabas na isyu kamakailan na may boyfriend na si Gabby, si Khalil Ramos, na isang Kapamilya.
Kaya ito ang niliwanag ni Gabbi.
“Hindi po totoo iyon, nagulat nga ako na may ganoon palang issue,” sabi ng pretty young actress. “Nakilala ko po si Khalil Ramos noong debut ni Julia Barretto in 2015, my best friend, at madalas kung may mga lakad kami ni Julia at iba naming friends, minsan nakakasama namin siya. Pero hindi po, hindi pa ‘ko p’wedeng makipag-boyfriend, ayaw pa ng parents ko. Saka mas focused po ako sa career ko. Kami ni Ruru, talagang best of friends lang at comfortable na akong kasama siya dahil nang magsimula ako sa showbiz, siya na talaga ang naka-love team ko. Pero kumusta po naman, sino si Arra San Agustin, Ruru?” buwelta ni Gabbi kay Ruru.
“Wala, siya si Ariana sa Encantadia,” sagot ni Ruru. “Yes, maganda siya at mahusay umarte, pero siyempre, ikaw pa rin. Hindi po namin alam kung sa pagtatapos ng Encantadia magiging kami pa rin ni Alena. Last two weeks na po namin simula sa May 8, marami pong twist sa story, ako bilang si Rama Ybrahim, hindi ko alam kung may mababago sa character ko dahil papasok po si Kuya Dong (Dingdong Dantes) ang original na si Rama Ybrahim. At si Alena po, hindi rin namin alam kung may mababago rin sa kanyang character. Kaya huwag sana ninyong i-miss ang mga mangyayari sa amin gabi-gabi, hanggang sa pagtatapos namin sa May 19.”
Habang kausap namin sina Gabbi at Ruru, sweet na sweet silang dalawa, kaya sino ang maniniwala na hindi pa ‘sila’?
(NORA CALDERON)