Hinirang ni Pangulong Duterte si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Roy Cimatu bilang bagong Department of Environment and Natural Resources (DENR) secretary.
Una itong inihayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa kanyang Facebook page. Ayon kay Piñol, ginawa ni Duterte ang announcement sa Cabinet meeting kahapong tanghali.
Ang appointment ay kinumpirma rin ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
“We are confident that Secretary Cimatu shall faithfully serve the interest of the country and the Filipino people in his capacity as the new DENR Secretary,” sabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa isang statement.
Nilinaw naman kaagad ni Abella na “acting” DENR secretary pa lamang si Cimatu dahil kailangan pa itong kumpirmahin.
Papalitan ni Cimatu si Gina Lopez na noong nakaraang linggo ay ibinasura ng Commission on Appointments (CA) ang pagkakatalaga.
Unang inihayag ni Duterte na si Cimatu ang pinakabagong miyembro ng kanyang Gabinete sa pagbubukas ng Palarong Pambansa 2017 noong nakaraang buwan.
“(He is) an Ilocano. Many, many years ago, he was assigned in a division in Davao. Doon kami nagkakilala,” sabi ni Duterte noong nakaraang buwan.
“He’s a candidate for another (position) — Cabinet na siya ngayon, eh. But this time, I transferred him to a busier job,” dagdag pa ni Duterte.
Samantala, sinugod kahapon ng mga miyembro ng environmental group na Greenpeace Philippines ang gusali ng DENR Central Office sa Quezon City upang iprotesta ang pagbasura ng CA sa kumpirmasyon ni dating Secretary Gina Lopez.
Agad na ikinadena ng mga raliyista ang main entrance gate ng DENR sa Visayas Avenue at hinarang ang mga sasakyang pumapasok sa nasabing ahensiya ng pamahalaan.
Hawak din ng mga ito ang mga placard na nagsasabing, ”DENR: Not open for business” kasabay na rin ng kanilang panawagan na suwayin ang code of behaviour at muling italaga sa kagawaran si Lopez.
Ayon sa grupo, unti-unti na sanang gumaganda ang pamamalakad ni Lopez sa DENR nang iutos nito ang pagsasara sa 28 minahan na lumabag sa environmental law. (Argyll Cyrus B. Geducos at Rommel P. Tabbad)