ANG imahen ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay ay nakadambana sa Katedral ng Antipolo. Araw-araw ay maraming nagpupuntang deboto laluna ang magsisitungo sa ibang bansa upang humingi ng patnuibay sa kanilang paglalakbay.

At kung ganitong buwan ng Mayo, laluna kung Linggo, dagsa ang deboto ng Mahal na Birhen ng Antipolo. Nagsisimba at nagpapasalamat. Tumutupad sa kanilang mga panata at debosyon. Matapos magsimba, ang iba’y namimili ng ilang souvenir.

May bumibili rin ng suman, mangga, binusang buto ng kasoy at iba pang kakanin bilang pasalubong.

Ang pagpaparangal sa Mahal na Birhen ay pinatitingkad pa ng “Flores de Mayo” o Pag-aalay ng mga Bulaklak sa mga simbahan at kapilya na kinaroroonan ng imahen ng Mahal na Birhen. Tuwing hapon, ginagawa ang Flores de Mayo Sa Parokya ni San Clemente sa Angono. Ang Pag-aalay ng mga Bulaklak sa Mahal na Birhen ay sinisimulan ng isang awit sa Mahal na Birhen ng choir at ng mga mag-aalay ng bulaklak, kasunod ang pagdarasal ng Rosaryo, ng Litanya sa Mahal na Birhen.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Isang matandang babae ang namumuno sa pagdarasal ng rosaryo. Bahagi rin bago mag-alay ng mga bulaklak ang pagbabasa ng namumuno sa pagninilay o meditation sa bawat araw. Ang halimbawa ay ang himala ng Mahal na Birhen sa matatapat ang debosyon at mga nagbalik-loob. Pagkatapos, darasalin ang okalatorya o isang maikling panalangin sa Mahal na Birhen.

Kasunod na aawitin ng choir at ng mga mag-aalay ang “Dios te salve Maria llena eres de gracia (Hail Mary Full of Grace)”, na tatlong beses saawitin.

Pagkatapos, kasunod na ang paghilera sa gitna ng simbahan ng mga mag-aalay ng bulaklak. Ang mga mag-aalay ay binubuo mga batang babae at lalaki, matatandang babae, relihiyosa at iba pang may debosyon sa Mahal na Birhen.

Sa pag-aalay, inaawit ng choir ang “Dalit” o awit ng papuri sa Birheng Maria. May siyam na saknong ang Dalit sa Mahal na Birhen. Narito ang ilang halimbawa: “Halina at magsidulog/kay Mariang Ina ni Hesus,/At ating tanang tinubos/Nitong Poong Mananakop,/ Sintahin natin at igalang,/Yamang siya’y ating Ina./ Halina at magsilapit/Dini sa Birheng marikit,/at Inang kaibig-ibig,/Dakilang Reyna sa Langit,/Nang ampuni’t saklolohan/ Tayong mga anak niya./ Halina’t dumulog tayo/ Sa Birheng Ina ng Berbo,/ Halina’t idulog dito/ mga bulaklak sa Mayo’/Umasa tayo’t maghintay/ Sa bawat ipagtatalaga.’

Ang mga nag-aalay ng bulaklak at iba pang dumalo sa alay ay sumasagot matapos awitin ang bawat saknong ng Dalit ng:

“Halina’t tayo’y mag-alay ng bulaklak kay Maria”.

Ang mga bulaklak na iniaalay ay iniaabot at kinukuha ng dalawang dalaga (Kapitana at Tenyenta) na namamahala sa pag-aalay. Sila ang naglalagay ng mga bulaklak sa paanan ng altar ng Mahal na Birhen. Sila rin ang nagkukuwintas ng mga sampaguita at kampupot sa leeg ng Mahal na Birhen. Ang Flores de Mayo ay winawakasan ng choir at ng mga nag-alay ng isa pang awit para saMahal na Birhen, ang “O Birhen ng Awa”.

Sa ibang mga simbahan at parokya, tulad sa Saint Clement Parish sa Angono, ang Flores de Mayo sa buong Mayo ay sinusundan ng isang Banal na Misa bilang pasasalamat at parangal sa Mahal na Birhen. At bago gawin ng kura paroko ang bendisyon sa mga nag-alay at nagsimba, ang imahen ay binebendisyunan ng pari ng holy water at insenso kasabay ang pag-awit ng choir ng “Salve Regina, Mater Misiricordeae”(Hail Queen of Mercy).

Ang Flores de Mayo, isang tradisyong Pilipino, ay binibigyang-buhay ng mga Katolikong Pilipino. Ito ay lagi nang bahagi ng buhay at pag-ibig sa Mahal na Birhen ng marami nating kababayan.

Maging ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal ay nagpugay rin sa Mahal na Birhen. Sa kanyang dulang “Sa Tabi ng Pasig” (Junto al Pasig) ay tinawag niya ang Mahal na Birhen na “Reyna ng Karagatan”, “Rosas na Walang Bahid”, “Talang Hindi Nanlalabi”, at “Bahaghari ng Kapayapaan”.