Malubha ang lagay ng isang binatilyo, matapos na pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang lalaki sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Nakaratay sa ospital si Eivin Espino, 17, ng Barrio Obrero, Tondo, Maynila, dahil sa mga tinamong tama ng bala ng .38 caliber revolver sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Chief Insp. Fortunato Ecle, Jr., hepe ng Police Community Precinct (PCP) 2, bandang 4:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa C. Name Street, sa panulukan ng Marulas A. sa Barangay 36, Caloocan City.
Naglalakad ang biktima kasama ang isang kaibigang lalaki nang salubungin sila ng dalawang suspek.
Magkasabay umanong bumunot ng baril ang dalawang lalaki at walang sabi-sabing pinagbabaril ang binatilyo at mabilis na nagsitakas.
Ayon kay Major Ecle, posibleng nakursunadahan lang ang biktima. (Orly L. Barcala)