KUMBAGA sa isang babae, matindi ang panliligaw kay President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ng US at ng China. Sikat na sikat si PRRD, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, dahil sa kanyang kakaibang giyera sa ilegal na droga na ayon sa mga report ay may 8,000 na ang napapatay na drug pusher at user sapul nang maupo bilang pangulo ng bansa.

Kinausap na siya ni US Pres. Donald Trump pagkatapos ng Asean Summit. Nakausap na rin niya si Chinese Pres. Xi Jinping. Dalawang makapangyarihang bansa sa mundo—US at China—ang “nanliligaw” sa pangulo ng bansa na may 105 milyong populasyon bagamat may pinakamahinang Armed Forces sa Southeast Asia.

Inimbitahan ni Trump si Mano Digong na bumisita sa White House ngunit hindi pa makasagut-sagot ang ating Pangulo dahil nakatakda siyang bumiyahe sa Russia para makipag-usap sa kanyang idolo na si Pres. Vladimir Putin. Nais ni Trump na “magkape” sila ni Pres. Rody para raw hingan ng tulong sa problema sa Korean Peninsula bunsod ng umano’y provocation o panggugulo ni North Korean leader Kim Jong-un. Patuloy sa nuclear missiles tests ang North Korea na ikinababahala ng US at mga bansa sa daigdig.

Sa telephone conversation niya kay Xi, binanggit ni PDu30 na pinakiusapan siya ni Trump na kausapin ang Chinese president. Tumawag daw sa kanya si Trump para talakayin ang lumalalang sitwasyon sa Korean Peninsula. Marahil ay batid ni Trump na kaibigan ni Mano Digong si Pres. Xi kaya nais sigurong sabihan ng ating presidente ang Chinese leader na kausapin si North Korean leader Kim Jong-un na maghinay-hinay sa paglulunsad ng nuclear missiles tests.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Naghihinala rin si Pres. Rody na gumana ang “lobby money ng business interests” para tanggihan ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang nominasyon ni Regina “Gina” Lopez bilang Kalihim ng Dept. of Environment and Natural Resources (DENR). Sabi ni Duterte: “Sayang si Gina. I really like her passion. Lobby money talks.” May nag-aakusa na hindi kumilos si Mano Digong para protektahan si Gina.

Narito ang listahan ng mga kasapi ng CA na bumoto para kay Gina: Sens. Manny Pacquiao, Francis Pangilinan, JV Ejercito, Loren Legarda, Bam Aquino, Ralph Recto, Tito Sotto. Samantala, ang kumontra sa nominasyon ni Lopez ay sina Sens. Alan Peter Cayetano, Gringo Honasan, Migs Zubiri, Panfilo Lacson, Cavite Rep. Abraham Tolentino, Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo, Jr., Cebu Rep. Benhur Salimbangon, Iloilo Rep. Jerry Trenas, Davao Oriental Rep. Joel Mayo Almario, Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez-Sato, Teacher Party-list Rep. Julieta Cortuna, Isabela Rep. Rodolfo Albano III, San Juan City Rep. Ronaldo Zamora, Cavite Rep. Roy Loyola, Manila Rep. Rosenda Ann Ocampo, at Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian.

Niliwanag ng Pangulo na hindi siya nakikialam sa gawain ng ibang sangay ng gobyerno. Badya ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Sino ang maniniwala na hindi siya nakikialam? Sa Kamara nga, puwersahang pinagtibay ang death penalty bill sapagkat iyon ang gusto niya. Nagbanta si Speaker Bebot na tatanggalin ang mga kongresista kokontra sa panukalang kamatayan kapag hindi sila bumoto nang pabor.”

Nasa ating bansa si UN special rapporteur on extrajudicial killings Agnes Callamard para dumalo sa ika-30 anibersaryo ng Commission on Human Rights. Dumalo rin siya sa drug policy conference sa UP. Si Callamard ay isa sa matinding kritiko ni PRRD kaugnay ng kanyang pakikidigma sa illegal na droga dahil umano sa extrajudicial killings.

Talaga, sumikat ang salitang “Naano” ni comedian-senator Tito Sotto. Sumikat din ang kantang “I believe I can fly” na kinanta ni ex-DILG Gina Lopez matapos na tanggihan ng CA ang kanyang nominasyon! (Bert de Guzman)