Nagpulong ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng Disaster Preparedness Pillar Members nitong weekend para talakayin ang mga update sa mga paghahanda sakaling tumama ang magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila at ang pagdating ng panahon ng tag-ulan.

Ginanap ang pagpupulong sa NDRRMC Conference Room sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Pinamunuan ni Vice Chairperson for Preparedness at OIC-Department of the Interior and Local Government Catalino S. Cuy ang pulong na dinaluhan din ni NDRRMC Executive Director at Civil Defense Administrator Usec. Ricardo B. Jalad.

Nakilahok din sa pagpupulong ang mga kinatawan mula sa NDRRMC Member Agencies gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development, Interior and Local Government (DILG-LGA), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Health (DOH), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Education (DepEd), Office of Civil Defense-National Capital Region (OCD-NCR), Philippine National Police (PNP), Philippine Disaster Recovery Foundation (PDRF), Corporate Network for Disaster Response (CNDR), Project AGOS at OCD.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nakatuon ang mga diskusyon sa pagpipresinta sa mga nagawang hakbang para mapaghandaan ang 7.2 magnitude na lindol na maaaring tumama sa Metro Manila at mga karatig na probinsiya.

Sa unang pagpupulong noong Pebrero 23, nagpahayag si Vice-Chairperson for Response at Social Welfare and Development Secretary Judy M. Taguiwalo na kailangan pang patatagin at pagtugmain ang mga lokal na plano para sa pagtugon sa emergency o panahon ng pangangailangan.

Binabalangkas ngayon ng National Council sa pamamagitan ng OCD ang contingency plan sakaling magkaroon ng magnitude 7.2 na lindol.

Samantala, iprinisinta ng DOST-PAGASA ang weather outlook mula Mayo hanggang Disyembre 2017 at mga paghahanda para sa tag-ulan at tinalakay sa mga miyembro ng Council. Pinaalalahanan ang mga kasaping ahensiya na repasuhin ang kani-kanilang plano bilang paghahanda sa tag-ulan. (Francis T. Wakefield)