BOMB_PHOTO PAGE 4 copy

Tiniyak kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na walang dapat ikabahala o ipangamba ang publiko kasunod ng kambal na pagsabog sa Quiapo, Maynila nitong Sabado ng gabi na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng anim na iba pa, makaraang bigyang-diin na walang kinalaman sa terorismo ang nangyari na sinasabing isang personal na pag-atake.

Kabilang sa nasugatan sa magkasunod na pagsabog sa panulukan ng Norzagaray at Elizondo Streets, malapit sa Golden Mosque, ang dalawang pulis na nasa lugar upang imbestigahan ang unang pagsabog.

“We mourn for the loss of lives tonight and pray for the fast recovery of the injured including our personnel,” sabi ni NCRPO Director Oscar D. Albayalde.“While our team assess and investigate the situation in Quiapo, I urge everyone to remain vigilant and provide cooperation to our policemen especially those living the area of explosion.”

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Hiniling din ni Albayalde sa publiko, partikular sa netizens, na iwasang mag-post o magpakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon upang hindi magdulot ng takot o mabigyan ng maling paniwala ang iba dahil sa mga maling balita.

Aniya, mahalagang kaagad na maiulat sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang bagay o indibiduwal.

“We assure everyone that we will leave no stones unturned until we make arrests and give justice to the victims,” pagtitiyak ni Albayalde.

FULL ALERT

Inalerto niya ang lahat ng pulis sa Metro Manila upang tutukam ang pagbibigay ng seguridad sa mga nasasakupang areas of responsibility (AOR).

Kasabay nito, iginiit ni Albayalde na walang kinalaman sa terorismo ang magkasunod na pagsabog, at wala rin umano itong kaugnayan sa pagsabog din sa Quiapo nitong Abril 28, na ikinasugat ng 13 katao.

Bagamat inako ng Islamic State ang pagsabog sa Quiapo noong nakaraang buwan, iginiit ng pulisya na gang war ang pinag-ugatan ng insidente.

PERSONAL NA AWAY

Sa pagsabog nitong Sabado ng gabi, iginiit nina Albayalde at Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel na isang Imam o Muslim leader ang pinaniniwalaang target ng bomba.

Anila, si Atty. Nasser Abinal, pangulo ng Imamate Islamic Center, ang target ng pambobomba dahil bukod sa nakatanggap ng death threats sa Facebook sa nakalipas na mga araw, kay Abinal umano ide-deliver ang sumabog na bomba, dahil ang opisina nito ay malapit sa blast site.

“Sa kanya (Abinal) pong tanggapan nakapangalan, doon po ipinadala 'yung pasabog. Ang sinabi niya, mayroon daw mga tao o grupo na nagbabanta sa kanya through Facebook and social media dahil sa kanyang gawain bilang Imam,” ani Coronel.

“Kung terror attack po ito, inilagay ito sa isang lugar na magdudulot ng malaking pinsala. Hindi po natin ito ma-consider as terror attack as of the moment.”

Sa imbestigasyon ng MPD-Explosive and Ordnance Division (EOD), nabatid na dakong 5:55 ng hapon nang mangyari ang unang pagsabog sa Norzagaray Street, kanto ng Globo De Oro Street, habang ang ikalawa naman ay sa Elizondo Street bandang 8:25 ng gabi, hindi kalayuan sa lugar ng unang pagsabog.

Dalawa ang kumpirmadong patay sa unang pagsabog, kabilang si Mohammad Bainga, at ang hindi pa kilalang lalaki na kumpirmadong driver ng Grab Express.

Ayon sa report, si Bainga ang napagtanungan ng Grab driver tungkol sa ide-deliver nitong package nang sumabog ang huli.

Apat na katao naman ang nasugatan sa unang pagsabog, at tatlo sa kanila ang kinilalang sina Abdul Baki Gulam, 56, ng Lanao Del Sur; Datu Sohair Adapun, 60, ng Marawi City; at Hajhi Ali, negosyante, ng Gunao, Quiapo.

Nasugatan naman sa ikalawang pagsabog sina Chief Insp. Eliza Arturo, ng MPD-Crime Laboratory; at PO2 Aldrin Reso, ng MPD-EOD, na nagsisiyasat sa blast site nang masabugan.

Nabatid na may dalawang kahina-hinalang lalaki ang namataan sa blast site at inimbitahan ng pulisya ang mga ito upang kunan ng pahayag.

Inaalam na rin kung ano ang bombang ginamit sa twin blast.

Samantala, ikinalungkot ng Malacañang ang insidente at nanawagan sa publiko na manatiling alerto.

TRAVEL ADVISORY

“We are saddened by the loss of lives brought by yesterday’s night explosions in Quiapo. We likewise wish for the immediate recovery of those who were wounded,” saad sa pahayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella. “While investigation is now ongoing, we ask the public to remain alert and immediately report to authorities any suspicious activity or movement.”

Kaugnay nito, naglabas naman ng travel advisory ang British Embassy at pinayuhan ang mamamayan nito sa Pilipinas na umiwas sa lugar ng pagsabog, maging “up to date” sa balita, at sundin ang payo ng awtoridad.

(BELLA GAMOTEA, MARY ANN SANTIAGO at BETH CAMIA)