Ipinagkibit-balikat lamang ng Malacañang ang panukala ng dalawang Amerikanong mambabatas na higpitan ng United States ang pagbebenta ng armas sa Philippine National Police (PNP) dahil sa lumalalang patayan sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte.
Minaliit ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang panukalang batas dahil marami pa aniyang armas ang gobyerno.
“I understand from the Defense Secretary that we have plenty of arms,” ani Panelo.
Ayon kay Panelo, kahit na pumasa pa ang panuklalang batas nina Democrat Senator Ben Cardin at Republican Senator Marco Rubio, maaari namang sa iba bumili ng armas ang Pilipinas.
“The government will certainly buy from sources that will provide us with, not cheap, but quality arms. That will always be the basis,” aniya.
Sa paghain ng panukala, idiniin ng dalawang U.S. senators ang kanilang pagtutol sa pagbebenta ng 26,000 assault rifle sa PNP. Binanggit ni Cardin ang mga ulat na 7,000 suspek sa droga na ang pinatay simula nang manungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Binanggit naman ni Rubio ang matagal nang alyansa ng Pilipinas at U.S. na dahilan kung bakit maituturing na “deeply alarming” ang tumataas na bilang ng mga namamatay.
“This is not the right way to conduct an anti-drug campaign,” diin ni Rubio.
Nauna nang nagpahayag si Pangulong Duterte na kung ayaw ng U.S. ay sa China o Russia bibili ng armas ang PNP.
(Argyll Cyrus B. Geducos)