PINATUNAYAN ni dating Philippine welterweight champion Ariel Tinampay na hindi pa siya laos matapos niyang palasapin ng unang pagkatalo via 4th round TKO si South Korean super middleweight titlist Geun Sik Choi kamakalawa ng gabi sa Yunbonggil Gymnasium, Yesan, South Korea.

Hindi pa napatutulog sa 46 laban sa Pilipinas, Thailand, Kazakhstan, Uzbekistan, Japan, Australia, Singaporea at South Korea, nakipagsabayan si Tinampay kay Choi na bumagsak at na-groggy nang tamaan niya ng matinding bigwas ng kanan.

Napilitan ang South Korean referee na itigil ang laban nang makitang hindi na maidepensa ni Choi ang sarili sa atake ni Tinampay na naitala ang ikalawang panalo sa nasabing bansa matapos mapatigil sa 1st round si Sung-Choo Lee sa welterweight bout noong 2010 sa siyudad ng Anyang.

May rekord si Tinampay na 24-20-1 na may 10 panalo sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Choi sa 4 na panalo, 3 sa pamamagitan ng knockouts, at 1 talo. (Gilbert Espeña)

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!