WALA pa ring Andray Blatche sa ensayo ng Gilas Pilipinas nitong Sabado sa Meralco Gym.
Gayunman, nagpasabi umano ito at tiniyak ang kanyang pagdating sa bansa kahapon.
Kaya naman ang dating napipikon nang si Gilas coach Chot Reyes sa tila pagsasawalang bahala na ipinapakita ng naturalized center ay naging mahinahon na tungkol kay Blatche.
“It’s hard to answer. First of all, you got to make sure that he’s here. And second, it’s not that simple to make the decision because for all we know the SEABA still has to approve if we are going to make such move on that,” pahayag ni Reyes.
Mula sa kanyang kampanya sa Xinjiang Flying Tigers sa Chinese Basketball Association, umuwi muna sa Amerika si Blatche para dumalo sa binyag ng kanyang anak.
Nitong Linggo, inaasahang darating si Blatche ganap na 4:30 ng madaling araw ayon kay Gilas team manager Butch Antonio.
Sa kabila ng magandang balita, hindi maitatatwang apektado ng pagkaantala ng pagdating ni Blatche ang preparasyon ng bansa para sa SEABA Championships.
“Less than a week na nga lang and we aren’t still able to practice fully as a complete 12-man team,” ayon kay Reyes.
(Marivic Awitan)