BENHAM RISE, Philippine Sea — Hindi ito pagpapakita ng lakas kundi pagmamarka lamang ng teritoryo ng bansa.

Ganito inilarawan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol ang makasaysayang expedition dito sa Benham Rise na nagsimula nitong Biyernes.

“Of course. It could be a way of marking our own territory, marking our own fishing grounds. ‘Ito aming fishing ground,’” sabi ni Piñol habang sakay ng MV DA-BFAR.

Sinamahan ang MV DA-BFAR ng tatlong mas maliliit na barko, kabilang ang isa mula sa Philippine Coast Guard (PCG), sa 20-oras na biyahe na nagsimula dakong 4:00 ng hapon noong Biyernbes sa pantalan ng Barangay Dinahican, Infanta, Quezon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ito ang unang high-level expedition ng gobyerno ng Pilipinas sa sagana sa likas na yamang Benham Rise, na nasa silangan ng bansa. Si Piñol ang unang Cabinet secretary na sumakay sa biyahe ng MV DA-BFAR.

Tinawag ni Piñol ang pagsisikap na “symbolic.” “It’s like sending a message to those who want to exploit the resources to tell them this is ours,” aniya.

Naging laman ng mga balita ang Benham Rise noong Marso matapos maiulat na ginalugad ito ng mga barkong Chinese sa pahintulot ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Taong 2012 nang idineklara ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang nakalubog na landmass bilang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.

MARKA NG ‘PINAS

Bago magtanghali ng Sabado, narating ng DA-led expedition ang Benham Bank -- na bahagi ng Benham Rise, na noon pa man ay pinangingisdaan na ng mga Pilipino. Ang nakalubog na bahagi nito ay may lawak na 15,000 ektarya.

“There are no visual cues to tell you that you’re in Benham Rise,” sabi ni Raffy Ramiscal, officer-in-charge ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources’ (BFAR) Capture Fisheries Division. “You just have to know the coordinates,” aniya

Ayon kay Ramiscal, ang buong Benham Rise, kabilang na ang malawak na extended continental shelf (ECS), ay 26 milyong ektarya.

Pinangunahan ni Piñol ang paglagay ng 15 “payao” o floating device na ginagamit para maakit ang mga isda. Ang mga payao ay minarkahang DFA, na kumakatawan sa Dinahican Fisherfolk Association.

Ayon kay Pinol, layunin nilang maistablisa ang patuloy na presensiya ng gobyerno ng Pilipinas sa Benham Bank sa pamamagitan ng mga istrukturang ito.

“I’ll report to the President on Monday to give my recommendations and I’ll ask for funds [for the structure],” sabi ni Piñol.

PAGKAIN MUNA

Dalawang bangkang Pinoy ang bumati sa MV DA-BFAR sa kanilang pagdating sa pampang. Isa na rito ang Philippine-flagged FB Ron Erly-2 mula sa Dinahican, na may kargang mga nahuling malaking isda, kabilang na ang isang yellow fin tuna na tumitimbang ng 40 kilo.

Sinabi ni Ramiscal na kabilang sa mga uri ng tuna na mahuhuli sa Benham Rise ang bigeye, albacore, yellow fin, at ang pambihira at mamahaling blue fin, at bill fish na kinabibilangan ng blue marlin.

Sinabi ni Piñol na posibleng may malaking reserba ng langis sa Benham Rise, ngunit ang nais lamang nila ay tuna.

“I will recommend to the President that Benham Rise be declared as a special food production area, protected from mineral and oil exploration. It should remain as a food production area,” aniya.

Sa hiwalay na panayam, binigyang diin ni Piñol na prayoridad ng bansa ang makukuhang pagkain sa Benham Rise.

“We can buy oil elsewhere but we cannot buy another Benham Rise,” punto ni Piñol. (ELLSON A. QUISMORIO)