Inaresto ng awtoridad ang 62-anyos na barangay tanod at dalawa pa niyang kasama na naiulat na nagbebenta ng hindi lisensiyadong baril sa kanilang lugar sa Quezon City.

Dinakma si Mario Garcia, barangay security peace officer sa Barangay Baesa, sa raid ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at QC Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), dakong 7:00 ng umaga. Sangkot umano si Garcia sa gun running activities sa kanilang barangay. Inaresto rin sina William Bisnar, 28, at isang Bong Lapina.

Nag-ugat ang operasyon, ayon sa pulis, nang makatanggap ng tip ang QC-CIDG na nagbebenta ang tatlo ng mga hindi lisensiyadong baril at bala. Dahil dito, agad sinalakay, bitbit ang search warrant na inisyu ni QC Regional Trial Court Branch 89 Judge Cecilyn Burgos, ng awtoridad ang bahay ng tatlo.

Una nilang sinalakay ang bahay ni Garcia sa Blk 7, Lot 5, Sitio Mendez, kung saan at nakumpiska ang 400 piraso ng bala para sa iba’t ibang kalibre ng baril gaya ng caliber 60, caliber 45, 9-mm pistol, at maging M-16 rifle.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakuha naman kay Bisnar, sa kanyang bahay sa Sitio Pajo, sa nasabi ring barangay, ang isang granada; dalawang kutsilyo; at isang tear gas. May nakumpiska ring limang pakete ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Hindi rin nakaligtas ang bahay ni Lapina na nakuhanan ng 17 pakete ng hinihinalang shabu; apat na electronic weighing scale; at drug paraphernalia, bukod pa sa tatlong bala ng caliber .45 at dalawang bala ng caliber .38.

Bukod sa tatlong target, inaresto rin ang tatlong hinihinalang customer ng mga suspek.

Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 10591 (The Firearms and Ammunition Regulation Act) at RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)