DALAWANG Pinoy fighter ang nabiktima sa kontrobersiyal na paraan nang kapwa matalo sina dating WBC rated Eden Sonsona at WBO Oriental super bantamweight champion Jimmy Paypa sa Ekaterinburg, Russia kamakalawa ng gabi.

Natalo si Sonsona sa 5th round TKO kay undefeated WBO No. 2 super featherweight Evgueny Chuprakov, ngunit kuwestiyonable ang pagbagsak niya sa 4th round na below the belt pero ikinonsiderang knockdown ng Russian referee.

Natanto ni Sonsona na hindi siya mananalo kay Chuprakov na inaayudahan ng referee kaya tumalikod na lamang siya sa 5th round at napanatili ng Russian ang WBO Inter-Continental super featherweight title.

Dalawang beses naman napabagsak ni Paypa ang wala ring talong si WBO Youth super featherweight champion Shavkat Rakhimov na tinulungan din ng referee kaya nakaligtas sa knockout.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nang bumagsak si Paypa sa 6th round ay kaagad itinigil ng Russian referee ang laban kahit nagrereklamo ang Pinoy boxer na mabilis nakabangon at handang lumaban kay Rakhimov na tubong Tajikistan pero nakabase sa Russia.

(Gilbert Espeña)