Mga laro ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 n.h. -- Blackwater vs Mahindra
6:45 n.g. -- Ginebra vs Alaska
KAPWA wala ang mga pambato, magkakasubukan ng lakas ang Barangay Ginebra at Alaska sa tampok na laro ng nakatakdang double header ng 2017 OPPO-PBA Commissioners Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Maghaharap ang Kings (4-1) at ang Aces(4-2) ganap na 6:45 ng gabi pagkatapos ng unang laro ganap na 4:30 ng hapon sa pagitan ng Blackwater at Mahindra.
Tulad nang ibang koponan, pansamantalang ipinahiram sa Gilas Pilipinas sina Kings forward Japeth Aguilar at Aces guard Calvin Abueva. Kasama sila sa pagsasanay na isinasagawa ni National coach Chot Reyes para maihanda sa SEABA Championship sa Mayo 12.
Tatangkain ng Kings na inaasahang pamumunuan nina import Justin Brownlee at mga locals na sina LA Tenorio, Scottie Thommpson at Joe Devance na pumantay sa dating namumunong San Miguel Beer (5-1) sa ikalawang puwesto at makadikit sa nangunguna ngayong Meralco (7-0).
Galing din sa dalawang linggong break gaya ng makakatunggaling Kings, magtatangka naman ang Aces na makabalik sa winning track mula sa huling kabiguang natamo sa kamay ng Phoenix noong Abril 21 sa iskor na 86-94.
Sa unang laban, pagsisikapan naman ng Blackwater na panatilihing buhay ang pag-asang makahabol sa huling playoff berth sa pagtutuos nila ng Mahindra na gaya nila ay nasa “must win situation”.
Sisikapin ng Elite na makapagsimula ng winning streak kasunod ng natamong ikalawang panalo nila kontra NLEX noong Mayo 3 habang tatangkain naman ng Floodbusters na putulin ang natamong 5-game losing skid matapos ipanalo ang ikatlong laro ngayong second conference. (Marivic Awitan)