ANG survey na isinagawa ng Pulse Asia noong Marso 15-20 tungkol sa opinyon ng mga Pilipino sa ilang institusyon ay may resultang gaya nito:
Isang malaking 82 porsiyento ang nagsabing nagtitiwala sila sa United Nations, mas mataas sa 74 na porsiyentong naitala sa kaparehong survey noong Disyembre 2016.
Halos kasing dami nito—81 porsiyento—ang mga Pilipinong nagpahayag ng malaking tiwala sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) .
Sa mga bansang may matatag na ugnayan ang Pilipinas, nananatiling nangunguna ang Amerika sa survey ng Pulse Asia sa nakuhang 79 na porsiyentong trust rating, kasunod ang Japan at Australia, na parehong may 69 na porsiyento.
Naging laman ng mga balita sa bansa ang United Nations sa nakalipas makaraang hayagang tutulan ni noon ay UN Secretary General Ban Ki-Moon ang serye ng pagpatay sa kampanya kontra droga ng bagong administrasyon, ngunit hindi pa nagpapahayag ng opinyon sa usapin si Secretary General Antonio Guterres hanggang ngayon.
Sa panig naman ng ASEAN, katatapos lang idaos ang Summit nito sa Metro Manila at nakiisa ang mga pinuno ng ASEAN sa pananaw ni Pangulong Duterte na hindi ito ang tamang panahon upang makipaggirian sa China, kaya naman sa pinal na Pahayag ng Chairman ay walang anumang binanggit tungkol sa pagtatayo ng China ng mga artipisyal na isla at mga istruktura, at sa desisyon ng Arbitral Court tungkol sa South China Sea.
Ang nananatiling mataas na rating ng Amerika sa mga opinion survey ay sumasalamin sa malaking tiwala at respeto ng karamihan ng mga Pilipino sa Amerika, na naging colonial governor ng bansa sa loob ng kalahating siglo at isang malapit na kaalyado hanggang ngayon. Ang anumang pagsisikap ng bagong administrasyon na bumuo ng isang mas nakapagsasariling polisiyang panlabas ay kailangang ikonsidera ang katotohanang ito.
Nasaksihan na natin ang napakaraming pagbabago sa Pilipinas sa nakalipas na mga linggo at buwan, partikular na ang digmaan laban sa droga na libu-libo na ang nasawi, ang pambihirang mga pagsisikap upang matuldukan ang ilang-dekada nang rebelyong Komunista, ang pagpupursige para sa isang federal system na magbibigay ng higit na awtonomiya sa mamamayang Moro, at ang pinaigting na mga pagsisikap upang higit pang mapag-ibayo ang ating ugnayan sa mga kapwa nating bansa sa Timog-Silangang Asya, gayundin sa China, Russia, at Japan.
Ang resulta ng huling survey ng Pulse Asia tungkol sa pananaw ng mga Pilipino sa UN at ASEAN, sa Amerika at sa iba pang mga bansa ay dapat na makatulong sa paggabay sa administrasyon sa pangangasiwa sa masasalimuot na bahagi ng ating pambansang kaunlaran sa Pilipinas.