SA unang pagkakataon simula nang maluklok sa White House si US President Donald Trump, magtitipun-tipon ang mga negosyador ng United Nations ngayong linggo upang buuin ang mga panuntunan sa pagpapatupad ng Paris Agreement na inaasahang magsasalba sa tuluyang pagkapinsala ng mundo, ngunit nagbanta siyang aabandonahin.

Layunin ng negosasyon sa Bonn sa Germanyna simulan ang pagbubuo sa napakahalagang rulebook para sa mga lumagda sa makasaysayang kasunduan. Subalit nanganganib itong mabalewala sa kawalang-katiyakan sa magiging hakbangin ng ikalawang pangunahing carbon polluter, sa ilalim ng pamamahala ni Trump.

“This was supposed to be a highly technical and uneventful meeting to flesh out some of the details in the Paris Agreement. But, obviously, the speculation coming out of Washington is now at the top of our minds,” sinabi ng environment and energy minister ng Maldives na si Thoriq Ibrahim.

Pinamumunuan niya ang Alliance of Small Island States (AOSIS), na pangunahing negosyador sa UN climate forum na magpupulong sa Mayo 8-18.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sinelyuhan ang kasunduan sa 21st Conference of Parties sa kabisera ng France noong Disyembre 2015, makaraan ang ilang taon ng mainitang debate.

Dahil sa diplomatikong pagsisikap ng hinalinhan ni Trump na si Barack Obama at ni Chinese President Xi Jinping, 195 bansa at ang European Union — 196 na partido sa kabuuan — ang nagkasundu-sundo. Sumali na rin ang Palestine.

Alinsunod sa kasunduan, lilimitahan ang average global warming sa two degrees Celsius (3.6 degrees Fahrenheit) sa pre-Industrial Revolution levels—at kung posible, 1.5˚C. Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay-tuldok sa greenhouse-gas emissions mula sa petrolyo, uling at gasolina.

Sa taya ng mga siyentista sa kasalukuyan, aabot sa 3˚C ang pag-iinit ng planeta, na magdudulot ng mapaminsalang tagtuyot, matinding baha at pagtaas ng mga karagatan.

Kinikilala bilang huling tsansa upang mapigilan ang global warming, binatikos ni Trump ang Paris Agreement noong nangangampanya pa siya sa pagkapangulo.

Tinawag niyang “hoax” ang climate change na pakana lamang ng China, at nangakong kakanselahin ang kasunduan kapag nahalal siyang presidente.

At ngayong nakaabang ang buong mundo sa magiging hakbangin ng Amerika, sinabi ni Trump na magdedesisyon siya bago ang susunod na pulong ng G7 sa Mayo 26-27 sa Sicily, Italy.

Kinumpirma rin ng isang opisyal ng State Department na magbibiyahe ang delegasyon ng Amerika patungong Bonn, ngunit “much smaller” ito kumpara sa mga nakalipas.

Marami ang nangangamba na ang pag-abandona ng Amerika sa kasunduan ay magpapawalang-halaga sa lahat ng pagsisikap para magkaroon ng kasunduan, ilang buwan makaraang imungkahi ng administrasyon ni Trump ang pagbabawas ng pondo para sa climate convention ng UN, na punong abala sa mga negosasyon; sa UN climate science panel; at sa Green Climate Fund na tumutulong sa mahihirap na bansa na malabanan ang epekto ng global warming.

Sabay-sabay na umapela ang maraming malalaking negosyante, pulitiko at non-government organization upang huwag talikuran ng Amerika ang makasaysayang Paris Agreement. (Agencé France Presse)