MASAYANG ibinalita kahapon ni Vic Sotto sa mga manonood ng Eat Bulaga na nagdadalantao na ang kanyang asawang si Pauleen Luna.
“Pilipinas at buong mundo, buntis ako!” pabirong sabi ni Vic, at saka nilinaw na, “hindi po ako, ang aking asawa ang buntis.”
Nagpasalamat sa Diyos si Vic sa biyayang natanggap nilang mag-asawa at humingi ng panalangin para sa tagumpay ng pagbubuntis ni Pauleen.
Naging engaged noong Setyembre 2015 at ikinasal sina Vic at Pauleen noong Enero 30, 2016.
Mayroong apat na anak si Vic sa kanyang mga nakaraang relasyon. Anak niya kay Dina Bonnevie sina Danica Sotto-Pingris (napangasawa ng basketball player na si Marc Pingris) at Oyo Sotto na kasal naman kay (Kristine Hermosa).
Anak naman niya kay Coney Reyes si Vico Sotto at kay Angela Luz si Paulina Sotto.
Ayon sa ilang sources na malapit sa kampo ng Eat Bulaga, 10 weeks na ang ipinagbubuntis ni Pauleen. --DMB