Patay ang dalawang lalaking hinihinalang drug pusher habang pitong iba pa ang naaresto sa hiwalay na buy-bust operation sa Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga nasawi na sina Victor Hermoso, 43, ng 1202 Narciso Street, Pandacan, at Ryan Dimacali, alyas “Oxo”, 31, ng 1934 Dagonoy St., Sta. Ana, habang ang mga naaresto naman ay sina Romil Hermoso, 37, kapatid ni Victor; Joseph de Jesus, 37; Mark Edward Reyes, 35; Francisco Antonio, 49; at Paul Garcia, 30, pawang taga-Pandacan; at Leslie Moriel, 31, ng Sta. Ana; at Jerome dela Cruz, 29, ng San Andres Bukid.

Sa ulat ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 1:30 ng madaling araw, sabay isinagawa ang buy-bust operation sa Dagonoy St., Sta. Ana at sa Narciso St., Pandacan.

Nakarating umano sa mga tauhan ng MPD-Station 6 ang ilegal na aktibidad ni Oxo kaya agad nagkasa ng operasyon laban sa kanya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nanlaban umano si Oxo sa mga umaarestong pulis kaya siya ay binaril at napatay, habang inaresto naman sina Moriel at Dela Cruz nang matiyempuhan sa lugar.

Nakumpiska sa kanila ang isang caliber .38 na baril, anim na pakete ng umano’y shabu, drug paraphernalia at P200 buy-bust money.

Samantala, sinalakay naman ng mga tauhan ng MPD-Station 10 ang bahay ng magkapatid na Hermoso matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa kanilang ilegal na aktibidad.

Isang pulis ang tumayong poseur-buyer at nanlaban umano si Victor nang makaramdam na pulis ang kanilang kaharap, ngunit hindi umubra ang kanyang bilis sa pulis.

Inaresto sa nasabing operasyon ang kanyang kapatid na si Romil, gayundin sina De Jesus, Reyes, Antonio at Garcia na pawang naaktuhang bumabatak sa lugar.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang black widow revolver na kargado ng tatlong bala, P500 marked money, limang pakete ng umano’y shabu, dalawang pakete ng pinatuyong marijuana at drug paraphernalia. (Mary Ann Santiago)