MATAPOS ang ikatlong hearing o pagdinig ng Committee on Appointments (CA) kaugnay ng kumpirmasyon ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez, tuluyan na itong ibinasura.

Ang pangunahing dahilan at isyu ng pagtanggi ng CA ay ang pagsuspinde ni Lopez sa 23 mining company at pagkansela sa kontrata ng limang iba pa na ang mga may-ari ay masalapi at maimpluwensiyang minerong negosyante.

Marami sa ating kababayan ang nadismaya, lalo na ang mga environmentalist, sa pagtanggi ng CA sa matapang at may prinsipyong environmentalist. Halos iisa ang kanilang pahayag at reaksiyon: NANAIG ANG LAKAS AT KAMANDAG NG MGA BERDUGO NG KALIKASAN. Pinindot at pinilipit ng mga masalapi at maimpluwensiyang may-ari ng minahan ang mga ilong at tainga ng mga tumangging miyembro ng CA. May nagsabing matindi ang lobby upang tanggihan ang appointment ni DENR Secretary Gina Lopez na tinik sa kanilang negosyo. Hindi rin naiwasan magtanong ng iba nating kababayan ng ganito:

“May magkakano kayang dahilan at CASHunduan na nangyari?”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

May nagsabi rin na ang ilan sa mga mambabatas, na miyembro ng CA, na kumandidato noong nakalipas na halalan ay nakatanggap ng campaign fund mula sa mga may-ari ng minahan. Pinahiram din sila ng helicopter sa pangangampanya.

Bukod sa mga nabanggit na reaksiyon, sinabi naman ni Fr. Joel Tabora, presidente ng Ateneo de Davao University, na ang pagsopla kay Gina Lopez ay pagtataksil sa kalikasan at sa bayan. Si DENR Secretary Gina Lopez ay tinawag niyang “greatest environmentalist of our day.” Ayon naman kay Fr. Edwin Gariguez, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines National Secretariat for Social Action (CBCP-NASSA), hindi sa pagtanggi kay Gina Lopez natatapos ang laban para sa kalikasan. Ang laban para sa kalikasan at sa mahihirap na biktima ng pagmimina ay magpapatuloy.

Nagkilos-protesta at nag-rally naman ang militanteng grupo at mga maka-kalikasan. Mariin nilang binatikos ang mga miyembro ng CA na tumanggi sa appointment ni Lopez. May nagsabing habang winawasak ng mga minero ang ating kalikasan, ang ating mga mambabatas ay patuloy na hinahawakan sa leeg ng mga may-ari ng minahan. May nagsabi naman na sa pagtanggi kay Lopez, asahan na ang pagbaha sa mga lalawigan dahil ang mga bundok ay winasak ng pagmimina.

Pinasalamatan naman ni Lopez ang mga mambabatas na bumotong pabor sa kanyang appointment. Binatikos din niya ang mga mambabatas na naglaglag sa kanyang appointment. Pinatunayan ng mga kontra sa kanya na walang kakayahan ang gobyerno laban sa malalaking kumpanya ng minahan.

Ayon pa kay Lopez: “It’s unfortunate that business interests have in fact run the day because that’sreally what it is. It is the constitutional right of any Filipino to a clean and healthy environment. It is our right in Constiution of every Filipino to a clean and healthy environment. It is our right in the Constitution and that is the duty of the government to grant our people this right, and when people make choices, influence based on interest, transgressing the right of every Filipino to what God has giv en them, it is wrong.”

Marami naman ang nagtataka at nagtatanong kung bakit ang lahat ng mga mambabatas na kontra sa appointment ni Lopez ay pawang tameme o walang kibo? At walang paliwanag kung bakit kontra sila sa appointment ni Lopez. Binawalan kaya sila ng mga may-ari ng minahan na pumindot sa kanilang ilong at pumilipit sa kanilang tainga?