Simula noong Hulyo 1 ng nakaraang taon, kung kailan nagsimula ng drug war ng kasalukuyang administrasyon, aabot na sa 26 na preso ang namatay sa mga bilangguan sa Metro Manila dahil sa mga sakit sanhi ng pagsisiksikan sa mga selda.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Oscar Albayalde, sa nabanggit na petsa nagsimulang lumobo ang bilang ng mga bilanggo dahil walang araw na walang ikinukulong dahil sa ilegal na droga.
Napag-alaman kay Southern Police District (SPD) Director Tomas Apolinario, Jr. na sa detention cell ng Taguig City Police, mahigit 100 bilanggo ang nakapiit kahit 60 lamang ang kapasidad nito.
Aabot na sa 18 ang namatay na preso sa nasabing piitan.
Samantala, binisita kahapon ni Albayalde ang Manila Police District (MPD) Integrated District Jail.
Nalaman niya kay MPD Chief Joel Coronel na sa nakalipas na anim na buwan ay anim na preso na ang namatay doon. At ilan sa mga dahilan ng pagkamatay ay tuberculosis, cardiac arrest, blood infection at atake sa puso.
Nabatid din na ang kapasidad ng MPD detention cell ay 100, ngunit 168 ang nakakulong doon.
Dahil dito, hinimok ni Albayalde ang Commission on Human Rights (CHR) at mga lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa pulisya upang maisaayos ang kinalalagyan ng mga bilanggo. (Bella Gamotea at Mary Ann Santiago)