Tutol ang mas maraming Pilipino na ibaba ang age of criminal liability o edad na maaari nang panagutin sa krimen ang isang tao, habang nabawasan ang mga pumapabor na ibalik ang parusang kamatayan o death penalty.

Ito ang lumutang sa huling survey ng Pulse Asia na inilabas kahapon. Ayon dito, mahigit kalahati ng mga Pinoy o 55 porsiyento ang pabor na panatilihin ang minimum age of criminal liability sa 15-taon gulang, sa harap ng malakas na panukala sa Kongreso na ibaba ito sa 9-anyos o 12 taon gulang.

Sa 1,200 respondent, 9% lamang ang nagsabing dapat nang maparusahan ang isang 9-anyos sa mga nagawang kasalanan.

Samantala, 20% ang nagsabing dapat ibaba ang edad sa 12-anyos.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagpanukala naman ang ilan na ipatong ang criminal liability sa edad 16-25 anyos (13%), o 10-11 anyos (2%), o 13-14 anyos (1%).

Isinagawa ang survey ng Pulse Asia noong Marso 15-20.

Lumutang din sa parehong survey na suportado pa rin ng maraming Pinoy ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa, ngunit nabawasan na ang kanilang bilang kumpara noong nakaraang taon.

Nasa 67% ng mga respondent ang sumang-ayon na dapat patawan ng kamatayan ang mga nakagawa ng karumal-dumal na krimen.

Gayunman bumaba ito ng 14 puntos mula sa 81% na naitala noong Hulyo 2016.

Tutol naman ang 25% na ibalik ang death penalty at 8% ang hindi pa makakapagdesisyon.

Umabot sa 97% ang nagsabi na dapat patawan ng death penalty ang may kasong rape, 88% sa kasong murder, at 71% sa drug pushing. (Vanne Elaine P. Terrazola at Beth Camia)